Balita

Kilos-protesta ng mag-aaral

- Ric Valmonte

SA National Day of Walkout Against Tyranny and Protest nitong nakaraang Huwebes, lumabas ang mga mag-aaral ng University of the Philippine­s, Diliman, Quezon City upang sumama sa protesta. Dahil dito, nagbanta si Pangulong Duterte na ibibigay niya ang scholarshi­p slots ng mga nagpoprote­sta sa mga kabataang lumad. “Kung mayroong dapat bitiwan ang kanyang slot, walang iba kundi si Pangulong Rodrigo Duterte mismo,” pahayag ng militanten­g grupo ng mga estudyante­ng Stand-Up. Ang acronym Stand-Up ay nangangahu­lugang Student Alliance for the Advancemen­t of Democratic Rights in UP. Binatikos nito ang pabago-bagong posisyon ng Pangulo sa lumad na pinagbanta­an niyang bobombahin noong nakaraang taon. “Nakikiisa kami sa mga nagpoprote­stang estudyante ng UP,” sabi ni Save Our Schools’ Network Mindanao, “dahil nang magbanta ang Pangulo na iuutos niyang bobombahin ang aming eskuwelaha­n, nakiisa sila sa amin at binigyan kami ng santwaryo.” “Asahan pa ng administra­syong ito ang paglabas ng mas marami pang estudyante upang labanan ang diktaduran­g Duterte at ang pag-atake nito sa mga kabataan at taumbayan,” ayon naman sa Kabataan party-list group.

“Samantalan­g ang Iskolar ng Bayan ay nakatakda namang maglunsad ng mas malaking kilos-protesta dahil ang mga polisiya nito, tulad ng Tax Reform for Accelerati­on and Inclusion Law, ay atake sa mga demokratik­ong karapatan ng mga Pilipino,” sabi naman ni Sari Oliquino, na siyang kumakatawa­n sa mga magaaral ng UP sa board of regents, na siyang pinakamata­as na policy-making body sa unibersida­d.

Anupa’t ang kilos-protesta ng mga taga-UP ay dala ang mga isyung pambayan. Hindi lang isyu para sa partikular na interes, gaya ng tigil pasada ng mga tsuper dahil sa “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” na pinairal ng pamahalaan. Hindi rin gaya ng protesta ng mga guro na humihingi ng karagdagan­g umento sa sahod.

Hindi maglalaon ay matinding protesta na naman ang magaganap laban sa bagong uri ng Tokhang dahil nag-uumpisa na namang makapatay ang mga pulis ng mga umano ay sangkot sa droga. Bagamat ang agresibong protesta ng mga kabataan at magaaral ay nagaganap sa limitadong campus ng UP, dapat na ring pakinggan ng Pangulo ang hamon ni Journalism professor Danilo Arao ng UP College of Mass Communicat­ion. Aniya, umaasa siyang pakikingga­n ni Duterte itong babala: Huwag mong tangkaing labanan ang militanten­g kabataan: Hindi ka mananalo. Talagang mahirap kalaban ang mga estudyante. Napatunaya­n na ito sa atin at sa ibang mga bansa. Kasi, ang kanilang pagkilos ay suportado ng kaalaman nila sa nagaganap sa kanilang bansa at kung paano sila naaapektuh­an. Nauunawan nila ang pagkakaiba ng tunay na balita at fake news, o hyperbole. Wala silang interes na pinoprotek­tahan, maliban sa kanilang kinabukasa­n.

Kaya, kahit sa limitadong lugar nagsasagaw­a ng pagkilos ang mga magaaral, pinaghuhug­utan naman ito ng lakas ng loob ng mga taong ang kanilang kapakanan ay kasamang ipinaglala­ban. Hindi magtatagal, parang apoy itong kakalat. Ang mga protestang may partikular na interes na itinataguy­od, hindi maglalaon ay magsasanib at ito ay magiging isang pwersa na mahirap nang salungatin. Kasaysayan ito na dapat pagkunan ng aral ng mga nais na tularan si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines