Pagdila Sa Apoy
Ika-63 labas
BUKOD sa manakanakang pagtungo sa kung saan-saang mga kalapit na lugar ng Bgy. Mauwak sa paghahanap kay Lagring, hindi nakakalimot si Pedring sa laging pagdaraan kina Lagring upang makibalita sa mga magulang nito.
Dumaan ang may isang buwan nang walang ano mang nangyayari sa mga paghahanap ni Pedring.
Dumaa pa ang may isang buwan. Sa loob ng naturang panahon, bigo si Pedring. Bigungbigo.
“Hindi ko po titigilan ang \ paghahanap,” lagi na’y sinasabi ni Pedring sa mga magulang ni Lagring.
Noong mga unang pagkakataon, parang palagi na’y nakikiramay ang ina ni Lagring. Pero nitong dakong huli, halos ay hindi na ito kumikibo habang nagsasalita siya. Bukod dito, lantaran na ang pagpapakita ng sama ng mukha. Ang ama ni Lagring ay hindi na niya halos nakakausap. Sadya yatang iniiwasan na siya.
Kasalanan mo ang pagkawala ng anak namin! Kung hindi sa kahayupan mo, nakawala na sana kami sa kahirapan! Hindi mo mahal an gaming anak! Sarili mo ang mahal mo, hayuo ka, Pedring ka!
Natuto na rin siyang maglasing kahit na paminsan-minsan ay inuutang lang niya ang pambili ng alak.
“Hindi ko kasalanan…” Lagi niyang sinasabi kahit nag-iisa kapag nalalasing. “Siya ang kusang umalis. Napakasakit para sa akin pero habambuhay na ba akong ganito? Kelangang kalimutan na kita, Lagring…kelangan.”
Para hindi mo malimot ang isang bagay, pilitin mo itong limutin.
Totoo, pag alipin na ng alak ang kanyang kaisipan, kahit paano pansamantala, nagagawa niyang limutin si Lagring. Pero paglipas ng espiritu, mas matindi ang salakay ng kirot, ng hapdi. At habang dumaraan ang mga araw, lalong nanariwa ang alaala.
Isang hapon, umiinom na naman si Pedring. Madalas kasi, pag sa tindahan ng alak siya umiinom, pinupuntahan siya ng kanyang ama o ng kanyang ina at kinagagalitan.
Lingid sa kaalaman ni Pedring, hindi siya nag-iisa sa lugar na kanyang iniinuman. Masyado kasing buhos ang pansin niya sa paglaklak. Parang tubig lang kung lagukin niya ang alak.
“Bakit kelangan mong sirain ang buhay mo, Pedring?”
Bahagya pang nagulat si Pedring. Ang nagsalitang nalingunan niya ay si Melanie. Si Melanie na kababata rin nila ni Lagring. Kalaro ng bahaybahayan.
“Ano ang ginagawa mo rito, Melanie?”
“Alam kong mahal mo si Lagring pero tama pa ba ang ginagawa mo sa sarili mo? Gusto kong malaman mo, Pedring…hindi ko na kaya ang ginagawa mo sa sarili mo.”
Muli, nagsalin si Pedring sa baso. Tinungga. Pero hindi ganap na nasaid dahil inagaw ni Melanie ang baso.
“P’wedeng mag-usap muna tayo, Pedring?”
“H’wag mo akong pakealaman. Gusto kong makalimot.”
“Bakit? Wala na bang babae dito sa Mauwak kundi si Lagring?”
Inagaw ni Pedring ang baso ng alak na hawak ni Melanie. Pero hindi niya naagaw. Itinapon ni Melanie ang baso. Ang hindi inaasahan ni Pedring, ang bote naman ng alak ang dadamputin ni Melanie at itinapon sa hindi kalayuang damuhan.
“Mahal ang alak, Melanie. Inutang ko lang ‘yan kay Nana Naney.”
“Kaya kong palitan ang alak mo, pero sagutin mo muna ako. Bakit kelangan mong sirain ang buhay mo?”