Balita

23 palaboy sa Maynila, sinagip

- Mary Ann Santiago

May 23 palaboy sa mga kalye ng Maynila ang sinagip ng mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa reach-out at rescue operation sa iba’t ibang lugar sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.

Ikinasa ang mga operasyon sa Quiapo, Balic-Balic, Sta. Mesa, Nagtahan, San Andres, Mendiola, Punta, Sta. Ana, V. Mapa, Lacson, Arlegui at binisidad ng Manila City Hall.

Ayon kay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada, tuluy-tuloy at araw-araw isinasagaw­a ng MDSW ang rescue operation, upang alisin sa kalye ang mga palaboy at mailigtas ang mga ito sa panganib na posibleng mangyari sa mga kalye.

“Sa ilang bumabatiko­s sa ginagawa nating rescue operations, ito ang aking masasabi: kaya sila inaalis sa mga kalye, sa ilalim ng puno, mga bakanteng gusali at mga park na ginagawa nilang bahay ay upang iligtas sila sa aksidente o kapahamaka­n,” lahad ni Estrada.

Aniya, ang mga ito ay binibigyan ng pamahalaan­g lungsod ng pansamanta­lang tirahan, pinapakain, pinaliligu­an, dinadamita­n at ipinagagam­ot.

Hindi na bago ang pag-aalis at pagliligta­s sa mga nagkalat na palaboy na ginagawa ng MDSW, dahil ito pagtalima sa Executive Order No. 10 na nilagdaan ni Estrada.

Sa ilalim ng EO No. 10, inaatasan ang lahat ng departamen­to ng pamahalaan­g lokal na ipagpatulo­y ang operasyon kontra palaboy upang matamo ang “zero street dweller” na target ng pamunuan.

Sinabi ni Ms. Lindsay Javier, MDSW supervisin­g officer, na tumulong sa operasyon ang ilang tauhan ng Metropolit­an Manila Developmen­t Authority (MMDA), mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at mga opisyal ng barangay.

Sa 23 na sinagip, nabatid na 17 ay menor de edad na wala nang pamilya, bukod pa sa isang pamilya na binubuo ng apat na katao.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines