Balita

POLICE DEPUTY SAPUL SA ULO 4

Napatay ng nanlabang ‘tulak’

- Ni MARY ANN SANTIAGO May ulat ni Martin Sadongdong

Nasawi ang deputy chief ng Cainta Municipal Police nang mabaril sa ulo ng isang umano’y kilabot na drug pusher na sinasabing nakabakbak­an ng mga awtoridad sa Barangay Floodway, sa Cainta, Rizal, nitong Linggo ng gabi.

Hindi na umabot nang buhay sa Pasig City General Hospital si Senior Insp. Jimmy Senosin, 41, deputy chief of police ng Cainta Police, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Nagsasagaw­a ng manhunt operation ang pulisya laban sa itinuturon­g suspek na si alyas “Ruben Tae”, nasa hustong gulang, at tagaWestba­nk Road, Bgy. San Andres, Cainta.

Sa ulat na ipinaratin­g ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), dakong 7:00 ng gabi nang makatangga­p ng tawag si Senior Insp. Senosin mula sa isang concerned citizen hinggil sa suspek na palakad-lakad umano sa lugar habang may nakasukbit na baril sa beywang.

Kaagad rumesponde ang opisyal kasama ang ilang pulis sa Block 3 Lakas Bisig sa Bgy. Floodway at namataan ang suspek, subalit sinalubong umano sila ng putok ng baril bago ito tumakbo sa madilim na lugar kasama ang isa pang hindi kilalang lalaki.

Tinangka pang pasukuin ng mga pulis ang suspek subalit hinagisan sila nito ng granada, na masuwerten­g hindi sumabog, kaya nagawang gumanti ng putok ng grupo ni Senosin.

Sa gitna ng engkuwentr­o, biglang napuruhan sa ulo si Senosin at sinamantal­a ito ng suspek at isa pang lalaki para tumakas.

Gayunman, nasundan ng mga pulis ang kasamang lalaki ng suspek na pumasok sa isang bahay, at naaktuhan umano ang pagre-repack ng hinihinala­ng shabu nina Ronald Idolog at Jophine Lachica, na kaagad na inaresto.

Narekober sa pinangyari­han ng insidente ang hindi sumabog na granada, mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril, hindi pa batid na dami ng hinihinala­ng shabu, at drug parapherna­lia.

Samantala iniutos kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald dela Rosa ang agarang pagdakip sa dalawang drug suspect na nakabaril at nakapatay kay Senosin.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines