Balita

Abogadong target sa ambush, kakasuhan

SUGATANG SUSPEK NA-INQUEST NA

- Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Mahaharap din sa kaso ang abogadong target sa bigong ambush sa Quezon City nitong Martes, na ikinamatay ng pulis na isa sa mga suspek, habang naaresto at kinasuhan na ang isa pa.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Homicide chief Senior Insp. Elmer Monsalve, natunton ng pulisya na ang .9mm caliber Beretta pistol na nakuha kay Atty. Argel Cabatbat ay nakarehist­ro sa tiyuhin nito.

Dahil dito, sinabi ng pulisya na maglalabas sila ng warrant sa susunod na linggo laban sa abogado makaraang makumpirma na wala itong permit to carry firearm.

Kasabay nito, apat na bilang ng frustrated murder at illegal possession of firearms ang inihain nitong Miyerkules ng gabi laban sa sugatang suspek na si John Paul Napoles, 27 anyos.

Sinabi ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar na sinampahan na ng kaukulang mga kaso si Napoles sa Quezon City Prosecutor’s Office makaraang ituro siya at dalawa pa niyang kasamahan, kabilang ang isang pulis, na suspek sa bigong pananamban­g kay Cabatbat.

ATTEMPTED MURDER

Sa kopya ng resolution at dispositio­n report mula sa QCPD- Criminal Investigat­ion and Detection Unit ( CIDU), natukoy ni Assistant City Prosecutor Marvelous Madamba na may probable cause ang kaso at inirekomen­dang kasuhan ng attempted murder at illegal possession of firearms si Napoles.

Na- inquest na si Napoles nitong Miyerkules ng gabi sa East Avenue Medical Center, kung saan siya kasalukuya­ng nakaconfin­e dahil nadurog ang kanan niyang binti nang sagasaan siya ng Mitsubishi Montero ni Cabatbat.

Ang kasong attempted murder ay isinampa laban kay Napoles ni Cabatbat at ng tatlo niyang kasamahan na sina Ardee Llaneras, driver ng Montero; Rodel Dela Cruz; at John Ramos, pawang nasa hustong gulang, at taga-Nueva Ecija.

AWTOPSIYA SA PARAK

Nagsampa rin ng kaparehong kaso laban sa isa pang suspek na si PO1 Mark Ayeras, subalit ibinasura ang kaso dahil matatandaa­ng napatay ng isa sa mga kasamahan ng abogado ang pulis makaraang pagbabaril­in.

Si Ayeras ay dating tauhan ng National Capital Region Police Office ( NCRPO) Public Safety Battalion, na nag-AWOL (absent without official leave) noong Agosto 2017.

Sinabi naman ni Senior Insp. Monsalve na nakikipag-ugnayan sila sa pamilya ni Ayeras kung nais ng mga itong magharap ng kaso laban kina Ramos at Llaneras na bumaril at nakapatay sa pulis.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng awtopsiya kay Ayeras upang makumpirma kung namatay ito sa tama ng bala o sa pagkakasag­asa ng Montero.

IKATLONG SUSPEK PINASUSUKO

Samantala, inirekomen­da ang karagdagan­g imbestigas­yon sa pagsasampa ng kaparehong mga kaso sa ikatlong suspek, na tumakas at hindi pa nakikilala—na hinimok ng QCPD director na sumuko na sa pulisya at harapin ang mga kasong isasampa laban dito.

Sa pagsasampa ng mga kaso sa mga suspek sa ambush try, sinabi ni Chief Supt. Eleazar na itinuturin­g na nilang naresolba at sarado na ang kaso.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines