Balita

PINATAY SA BUGBOG

Pinay sa freezer bali-bali ang tadyang, nalamog pati kidney

- Roy C. Mabasa, Beth Camia at Argyll Cyrus B. Geducos

Ang Filipino household service worker na natagpuan sa loob ng freezer sa Kuwait nitong unang bahagi ng buwan ay namatay dahil sa matinding pambubugbo­g.

Binanggit ang autopsy report, sinabi ni Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa na si Joanna Daniela Demafelis ay nabalian ng mga tadyang, puno ng pasa at trauma sa pelvis at kidney area. Dumanas din siya ng internal bleeding at maraming sugat ang nakita sa kanyang bangkay.

Ipinakita rin sa autopsy na patay na si Demafelis nang ipinasok sa freezer.

Batay sa inisyal na pagsisiyas­at, mahigit isang taon na sa loob ng freezer si Demafelis bago nadiskubre ng mga pulis ang bangkay nito sa apartment sa Maidan Hawally, na noon pang Nobyembre 2016 binakante ng mga tenant nito – ang Lebanese na si Nader Issam Assaf at misis nitong Syrian na si Mona Hassoun, mga employer ni Demafelis.

Naglunsad na ng manhunt ang Interpol laban sa mag-asawang suspek na pinaniniwa­laang nasa Syria na.

Nakatakda namang iuwi ang bangkay ni Demafelis sa Pilipinas ngayong araw.

Hindi naman katanggap-tanggap para kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang paliwanag ng mga opisyal ng bansa sa Kuwait na ginawa nila ang lahat sa kaso ni Demafelis, kayat inalis niya sa puwesto ang mga ito.

Samantala, umaasa ang Malacañang na tutuparin ng Kuwait ang pangako nito na poprotekta­han ang overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang teritoryo kasunod ng pagkamatay ni Demafelis.

Ito ang sinabi kahapon ni Presidenti­al Spokespers­on Harry Roque nang ianunsiyo ang pakikipagp­ulong ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kay Kuwaiti Ambassador Saleh Ahmad Althwaikh.

“We can only hope that pursuant to establishe­d internatio­nal standards, the Kuwaiti government will accord the victims the same rights enjoyed by its nationals,” ani Roque.

Tumanggi siyang magkomento sa magiging epekto ng mga pangyayari­ng ito sa relasyon ng Kuwait at Pilipinas.

“I’d like to think that the long term Filipino-Kuwaiti relations will not be affected,” aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines