Ayaw sa TRAIN ‘wag magbayad ng buwis
Sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bumabatikos sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na huwag magbayad ng buwis kung ayaw nila sa bagong batas.
Pero… huwag siyang sisihin kung hahabulin kayo ng Bureau of Internal Revenue at papanagutin sa tax evasion.
“Kung ayaw mo ng TRAIN, eh ‘di huwag kang magbayad. Simple man lang na. You’re against the taxes? O, do not pay. Do not blame me if the BIR also will go after you. As simple as that,” sinabi ng Pangulon sa pagbisita niya sa Cebu nitong Martes.
Ito ang naging reaksiyon ng Pangulo kasunod ng mga kilos protesta laban sa kontrobersiyal na bagong batas sa pagbubuwis na isinisisi sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 10963, kilala rin bilang TRAIN law, noong Disyembre na nangangako ng mas mataas na take-home pay sa pagbawas sa personal income taxes. Pinasimple rin nito ang estate at donor’s tax gayundin ang value added tax base. Gayunman, ipinataw ng batas ang mas mataas na excise taxes sa mga produktong petrolyo, sasakyan at sweetened beverages.