Balita

Pulis niratrat sa motel, todas; GF kritikal

TRAHEDYA SA POST-VALENTINE’S DATE

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Nasawi ang isang pulis habang kritikal ang kasama niyang dalaga matapos silang bistayin ng bala ng dalawang hindi kilalang lalaki sa bisinidad ng pinasukan nilang motel sa Pasig City, sa sinasabing postValent­ine’s Day date sana nila, nitong Huwebes ng gabi.

Dead on the spot si SPO2 Ernesto Sanchez, 53, may asawa, nakatalaga sa District Drug Enforcemen­t Unit ( DDEU) ng Southern Police District ( SPD), habang kritikal sa ospital ang kasama niyang babae na kinilalang si Josebel Polo, 20, dalaga, ng Barangay Addition Hills, Mandaluyon­g City.

Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Sanchez at Polo.

Sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, dakong 11:20 ng gabi nang mangyari ang insidente sa compound ng Country Lodge Hotel sa Danny Floro Street, sa Bgy. Oranbo.

Sakay sa puting Toyota Fortuner (BEJ-975), pumasok sa motel ang mga biktima, pero hindi pa man nakakababa ng sasakyan ang dalawa ay dumating ang itim na Toyota Revo (XAY-567).

Mula sa Revo ay bumaba ang dalawang lalaki na armado ng armalite at shotgun, lumapit sa Fortuner at pinagbabar­il ang mga biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek nang masigurong napuruhan ang mga biktima, samantalan­g isinugod sa pagamutan ang dalaga.

Sa pagsisiyas­at, nabatid na binuntutan ng mga suspek ang sasakyan ng mga biktima hanggang sa pagpasok sa motel, at tinutukan pa umano ng baril ng mga salarin ang guwardiya sa establisim­yento bago isinagawa ang pamamaril.

Narekober ng awtoridad sa pinangyari­han ng insidente ang 14 na basyo ng armalite rifle.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen, at susuriin ang kuha ng CCTV camera sa motel upang matukoy ang mga salarin.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines