Balita

BUHAY TERORISTA

Sayyaf members regular sumusuweld­o, obligadong manood sa pamumugot

- Ni Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY – Aabot na sa mahigit 117 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ang sumuko sa awtoridad sa nakalipas na mga buwan, kasunod ng pinaigting na operasyon ng gobyerno laban sa teroristan­g grupo.

Isa sa mga sumukong terorista ang 18-anyos na si alyas “Habib”, tubong TipoTipo, Basilan, na ibinunyag kamakailan kung paano ang naging buhay niya habang kasapi ng ASG sa nakalipas na apat na taon ng kanyang buhay.

Kuwento ni Habib, 14-anyos siya noon at mag-aaral sa Grade 4 nang utusan siya ng mga miyembro ng Abu Sayyaf na bumili ng pagkain sa palengke, na kalaunan ay regular na niyang ginawa para sa grupo bago at pagkagalin­g niya sa eskuwela.

“Inuutusan ako ng mga Abu sa (Barangay) Baguindan (Tipo-Tipo) na bumili sa palengke. Araw -araw na ‘yun, hanggang sa hindi na ako pinauwi sa amin,” sabi ni Habib.

SUMUSUWELD­O Aniya, tumatangga­p ng buwanang suweldo ang mga miyembro ng Abu Sayyaf.

“Sa loob ng kampo, ‘pag single binibigyan ng P5,000 kada buwan, ‘pag pamilyado naman P10,000—hindi na mahirapan maghanap ng pera,” kuwento ni Habib—na ikalima sa walong magkakapat­id. Ulila na siya sa ama, habang nagtrabaho naman sa abroad ang kanyang ina.

“Wala na akong tatay, wala rin dito ang nanay ko. Ang mga kapatid ko nagasawa na, kaya mas okay na sa akin sumali sa ASG,” ani Habib.

Nagsilbing errand boy ng mga terorista—tagapamale­ngke, tagaluto, at tagapaghan­da ng mga armas—sinabi ni Habib na minsan na siyang itinalaga sa pagdukot sa isang babaeng gagawing hostage sa Tipo-Tipo.

“Kung may mga kinikidnap, dadaan ng Zamboanga. May tao na mag-aantay sa port pa lang ng Zamboanga, tapos iba naman may maghihinta­y sa Isabela. Pagdating ng Isabela ididiretso sa Lamitan, saka pupunta ng Tipo-Tipo. At kami naghihinta­y sa Baguindan,” kuwento niya. LIVE SHOW SA PAMUMUGOT “Nung ako ang sumundo sa babaeng na-kidnap, gusto ko siya patakasin kasi kawawa lang. Pero sinabihan ako ng mga matatanda kong kasama na kapag pinatakas ko, ako daw ang papatayin ng grupo.”

Sinabi rin ni Habib na ilang beses na niyang napanood ang pamumugot ng grupo ng mga bihag na hindi nakabayad ng ransom—dahil obligado umano silang manood.

“Maraming beses na ako nakakita ng pinupuguta­n na hostage kapag walang mabigay na ransom. Kasi kapag may pupugutan na kailangan namin manood lahat. Magagalit ang commander kapag hindi namin pinanood,” paliwanag ni Habib.

“Kung magpapakit­a ka ng awa sa kanila (hostages), o ng takot sa mangyayari, ikaw ang pagdidiski­tahan nila (ASG leaders),” aniya pa, idinagdag na minsan na rin siyang nakipagbak­bakan sa mga sundalo noong 2016.

“Gusto ko tumakas pero hindi ko alam paano kasi natatakot din ako,” sabi ni Habib, hanggang makakita umano siya ng pagkakatao­n sa kasagsagan ng engkuwentr­o nila sa militar noong 2017. ‘GUSTO KONG MAGING PULIS’

“Pagod na kasi ako sa buhay sa loob ng kampo, gusto ko nang mag-aral, nami-miss ko na ang mga kapatid ko. Gusto kong lumabas na hindi natatakot at kailangang magtago,” naiiyak na sabi niya. “Kaya sumuko na talaga ako para mas maging maayos ang buhay namin.”

Gusto niyang bumalik sa pag-aaral at maging pulis. “’Pag nakapagtap­os na ako gusto ko maging pulis, para ako naman ang poprotekta sa taga-Basilan province laban sa mga Abu Sayyaf,” nakangitin­g sabi ni Habib.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines