Trump ikinonek ang Florida shooting sa mental health
WASHINGTON (AP) – Idineklara na ang bansa ay nagkakaisa at naghihinagpis “with one heavy heart,” nangako si President Donald Trump nitong Miyerkules na tatalakayin ang school safety at ang “difficult issue of mental health” bilang tugon sa madugong pamamaril sa Florida.
Direktang tinukoy ni Trump sa kanyang talumpati ang mga bata na “lost, alone, confused or even scared.”
“I want you to know that you are never alone and you never will be,’’ ani Trump. “You have people who care about you, who love you, and who will do anything at all to protect you.’’
Nagsalita ang Pangulo sa nasyon mula sa White House, isang araw matapos isang dating estudyante na armado ng AR-15 rifle ang namaril sa Marjory Stoneman Douglas High School sa Parkland, Florida, na ikinamatay ng 17 katao at ikinasugat ng 14 na iba pa.
Ang 19-anyos na suspek, si Nikolas Cruz, ay troubled teenager na nagpaskil ng mga nakakabahalang materyales sa social media. Napatalsik siya sa eskuwelahan dahil sa “disciplinary reasons”. Ang kanyang profile photo sa Instagram ay nakamaskarang mukha na may suot na “Make America Great Again” na iniugnay sa kampanya ni Trump.