PAGDILA SA APOY
Ika-81 labas
“DI ba sabi ko sa ‘yo, Manding… kahit pa’no bigyan muna natin ng pagkakataon ang ating sarili na magkakilala tayo nang husto. Alam mo kasi, kahit magkaibigang matalik tayo, iba ang situwasyon kung may relasyon kayo bilang magnobyo. Bilang simula ng ating pagkikilala, gusto kong mag-date tayo sa Linggo.” Noon ay araw ng Biyernes. “D-date? Oo…oo, Melanie. Kung gusto mo, bukas na.”
“Sa Linggo na, Manding. Sa bayan.”
Kitang-kita kung paano naging masaya si Manding. Hindi mapakali. Hindi maupo, hindi matayo.kumikibutkibot ang bibig pero wala namang nabubuong salita.
Nakokonsensya rin naman si Melanie. Hindi naman siya ganoon kabrutal. Pag nalaman ni Manding ang talagang pakay niya, baka naman ito ang magpakamatay sa sama ng loob. Pero binibigyang katuwiran ang kawalang katuwiran: Pag-ibig din naman ang ipinaglalabasn ko. Pag-ibig namin ni Pedring.
Paano kung bago siya mabuntis ay malaman ni Manding ang talagang totoo? Paano kung si Pedring ang makatuklas sa gagawin niyang kunyari ay pakikipag-relasyon dito kay Manding.
A, bahala na! sa ngayon, ang importante lang ay mabuntis siya. Sa dakong huli na niya iisipin ang solusyon kung ano man ang maging problema sa gagawin niyang ito.
Tulad ng napagkasunduan na, maaga siyang nagtungo sa lugar ng kanilang date. Pero hindi niya akalaing mas maaga pa si Manding doon.
“Di ka nab a natulog, Arman?” Tanong niya kakambal ng tawang nagbibiro.
“Ang itanong mo mahal…ay kung naktulog pa ako?”
Parang nakonsensya siya sa tawag ni Manding sa kanyang mahal.
“Buhat no’ng nag-usap tayo, mahal…gusto ko nang hatakin ang mga oras para Linggo na agad. Ni hindi ko nga mapaniwalaang may date tayo ngayon.” “Saan tayo?” tanong niya. “Bahala ka, mahal!” Hindi nawawala ang nakasungaw na ngiti sa bibig ni Manding. Mahirap talagang ilarawan ang kaligayahan ng lalaking ito. Parang laging gustong sumigaw. Parang laging gustong sumayaw. A, mahirap ilarawan sa mga salita lang ang nakikita niya sa mukha nito.
Kahit paano, tumitindi ang kaba sa dibdib ni Melanie. Paano kung mabulilyaso siya?”
Sa isang restoran muna ng Instik sila nagtuloy. Kumain. Pagkatapos, naglakad-lakad. Namasyalmasyal. Kunwari, wa naman silang tiyak na pupuntahan.
“Saan ba talaga Manding ang gusto mong puntahan?” Kailangang hindi naman siya bulgar. Kung may mangyari man sa kanila, kailangang lumabas na hindi niya inisyatiba.
Naroon sila noon sa lugar ng malalaking tindahan. Hindi dila kalayuan sa dalawang malaking sinehan. Sa disimuladong paraan, sindya niyang magawi sila sa lobby ng isa sa mga sinehan.
Titingin-tingin sila sa mga still pictures sa lobby. Iniisip niyang yayain siya ni Manding sa panonood pero mapapanghal yata siya’y hindi magsasalita si Manding. Kung nagsasalita man ito, kung anu-ano lang. Iwas na iwas yatang bumanggit ng kahit na anong may kinalaman sa kanila. Iniisip bang baka galit siya?
“Gusto mo, manood tayo, Manding?” “Pu..puwede?” Nabulol. “Ano ka ba, ako nang nagyayaya sa ‘yo. E.”
Hawal-kamay silang pumasok sa entrance ng sinehan. Hindi nakaila kay Melanie ang panginginig at panlalamig ng kamay ni Manding. Itutuloy...