DFA hahamunin ang China sa PH Rise
Pormal na hahamunin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pangalang ibinigay ng China sa limang features sa Philippine Rise (Benham Rise).
Ito ang inihayag ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella sa press briefing kahapon sa DFA headquarters sa Pasay City matapos hilingin ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) hydrography branch sa Department of Foreign Affairs na hilingin sa International Hydrographic Organization (IHO) na ipawalang–bisa ang naunang desisyon na tinatanggap ang mga pangalang ipinanukala ng China para sa limang underwater features sa PH Rise.
Nauna nang sinabi ni Dr. Jay Batongbacal ng University of the Philippines’ Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea (IMLOS) na ang lahat ng limang features ay nasa loob ng 200 nautical miles sa east coast ng Luzon, at hindi sa rehiyon ng extended continental shelf ngunit nasa loob ng “legal” continental shelf. Nangangahulugan ito na ang features ay nasa loob ng 200 nautical miles, kung saan ang mga karapatan ng coastal State ay ipso facto at
ab initio, at hindi na kailangang dumaan sa claim process. Hindi ito katulad ng “extended” continental shelf na kailangang i-validate ng Commission on the Limits of the Continental Shelf.
Sa pagdinig ng science and technology committee ng Senado kamakailan, sinabi ni NAMRIA assistant director Captain Herbert Catapang na hihilingin nila ang nullification ng Chinese names sa underwater features sa PH Rise dahil hindi sumunod ang IHO sa rules of procedure.
Ipinunto ni Catapang na ang paraan ng pangongolekta ng data na isinumite ng China ay lumalabag sa UNCLOS dahil hindi nagbigay ng pahintulot ang gobyenro ng Pilipinas na magsagawa ang China ng mga survey noong 2004.
Noong 2012, idineklara ng United Nations ang PH Rise na nasa loob ng jurisdiction ng Pilipinas.
Samantala, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na, “noted” lang ang tanging reaksyon sa ngayon ng China ukol dito.
Idinagdag niya na bukas naman ang pamahalaan na iakyat ang isyu sa International Mapping Agency ng United Nations. Gayunman, hindi ito ang prayoridad ng gobyerno sa ngayon.
Pinuri ni Senator Paolo “Bam” Aquino IV ang DFA sa pagkuwestiyon sa hakbang ng China sa undersea features sa PH Rise, na aniya ay “one step toward safeguarding Philippine territory.”