2 ‘nanlaban’ patay, 4 pa arestado
Patay ang dalawang drug suspect matapos umanong manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Manggahan, Pasig City habang apat na iba pa ang naaresto sa iba pang anti-drugs operation sa Barangay Tumana, Marikina City, iniulat kahapon.
Kinilala ni Senior Supt. Orlando Yebra Jr. ang isa sa dalawang napatay na suspek na si Kimron Fontejon, alyas “Kim”, nasa hustong gulang, at nasa drugs watch list ng pulisya, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang kasama.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Al Alvarez, ng Pasig City Police, dakong 12:10 ng madaling araw nang mapatay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), na pinamumunuan ni Senior Insp. Alvin Perlas, ang mga suspek sa Westbank Road, Floodway sa Barangay Manggahan.
Nauna rito, nakatanggap ng ulat ang awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya agad na nagkasa ng buy-bust operation sa lugar matapos umaktong poseur buyer sina PO1s Dionie Bisagre at Fitz Walter Gullunan.
Nang iaabot na ang P1,000 marked money, biglang nakatunog ang mga suspek, kaagad na bumunot ng baril at pinutukan ang dalawang pulis, na masuwerteng hindi tinamaan.
Napilitang gumanti ng putok ang dalawang pulis hanggang sa mapuruhan at duguang bumulagta ang dalawang salarin.
Narekober umano sa mga suspek ang sampung plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang .38 caliber Black Widow revolver, at isang .45 caliber Colt pistol.
Samantala, nadakip naman ng mga tauhan ng Marikina City Police sa buybust operation sina Maribel Manaois, 53; Gladys Agonia, 28; NJ Manaois, 27; at Alvin Caringal, 27, pawang taga-Bgy. Tumana,Marikina City.
Sa ulat ni PO2 Mark Vic Veloria, natimbog ang apat sa kanilang bahay dakong 10:15 ng gabi nitong Martes, at nakumpiskahan umano ng anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money.