Balita

NPA attack sa Quezon, kinondena

- Fer Taboy

Kinondena ng Philippine Army (PA) ang serye ng pag-atake ng mga tauhan ng New People’s Army (NPA) sa iba’t ibang lugar sa Quezon.

Pagdidiin ni Col. Teody Toribio, tagapagsal­ita ng Southern Luzon Command (SoLCom), lalo pa nilang hinigpitan ang operasyon laban sa mga rebeldeng grupo para na rin sa kapakanan ng mga residente sa lalawigan.

Idinahilan ni Toribio na isang paglabag sa karapatang-pantao ang ginawang pag-atake ng mga rebelde dahil hindi lamang ang mga militar ang nagiging puntirya nito, kundi maging ang mga sibilyan.

Nilinaw naman ni Capt. Patrick Jay Retumban, hepe ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 2nd Infantry Division (ID) ng PA, na ang sunud-sunod na pag-atake ng NPA ay nagpapatun­ay lamang na nararapat na tawaging terorista ang mga ito.

Nais lamang, aniya, ng mga ito na ipakita sa pamahalaan na malakas pa ang kanilang kilusan ngunit sa katunayan, maliit at mahina na ang puwersa ng mga ito, ayon kay Capt. Retumban.

Matatandaa­ng sinalakay ng rebelde ang isang pribadong rantso sa bayan ng San Francisco, sinira at tinangay ang ilang kagamitan, at tinangay ang apat na sibilyan at dalawang tauhan ng Citizens Armed Forces Geographic­al Unit (CAFGU).

Wala pang isang oras ay kaagad ding pinalaya ng NPA ang anim, na pinaniniwa­laang ginamit lang na human shield sa pagtakas ng mga rebelde.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines