Balita

Kaso vs foreign ‘ terrorist’, ibinasura

- Beth Camia

Ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang reklamo laban sa dayuhan na hinihinala­ng konektado sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na naaresto nitong Pebrero 16 sa Ermita, Maynila.

Sa pitong-pahinang resolusyon na ipinonente ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, walang nakitang probable cause ang DoJ sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehens­ive Firearms and Ammunition­s Regulation Act at Republic Act 9516 laban kay Fehmi Lassoued, alyas Haytham Abdulhamid Yusof, at sa live-in partner niyang si Anabel Moncera Salipada.

Nag-ugat ang reklamo makaraang makuhanan ang mga suspek ng improvised explosive device, baril at mga bala sa tinutuluya­n nilang apartment sa Ermita.

Ayon sa DoJ, kung pagbabatay­an ang litrato ng mga naarestong suspek at ang mga nakumpiska­ng ebidensiya, lumalabas na ang mga litrato ay hindi naman kinuhanan sa kuwartong inuupahan ng mga akusado.

Magkaiba umano ang background na nasa litrato ng mga nakumpiska­ng ebidensiya sa background ng litratong kuha sa Room 409 ng apartment.

Patunay umano ito na wala ang dayuhan sa unit na kanilang inuupahan nang ipatupad ang search warrant.

Binigyang bigat din ng DoJ ang depensa ng dayuhan na siya ay dinala lamang sa isang kuwarto kung saan naroon ang mga nakumpiska­ng baril at pampasabog.

Iniutos din ng DoJ sa mga awtoridad na isauli sa mga respondent ang pera at cell phone na kinuha mula sa mga ito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines