PAGDILA SA APOY
Ika-94 na labas
NOONG
hindi pa dumarating si Manding, buo na sa loob ni Melanie ang kanyang sasabihin. Ngayong kaharap na niya si Manding, nawala ang lahat ng yari na niyang sasabihin. Paano nga ba siya magsisimula?
“Siguro naman, sa Linggo, puwede na tayo,” sabi ni Manding pagkaraan ng kung ano-anong pag-uusap.
Alam na niya ang ibig sabihin ni Manding. Na kung puwede na silang magdate. At ang date ay singkahulugan na rin sa pagtungo nila sa pribadong silid.
“Kuwan, Manding…a-ano k-kasi…” taranta siya.
Kunot-noo, may tampo ang boses ni Manding. “H’wag mo namang sabihing sa Linggo, e hindi na naman tayo puwede.”
Bumuntu-buntong hininga si Melanie. Umiling-iling naman si Manding.
Kailangang lakasan na niya ang loob: “Manding…kuwan, may ibig sana akong sabihin…”
Hindi kumibo si Manding pero sumama ang mukha. “Tungkol ba kay Pedring…” “Ha? Ano ang tungkol sa kanya?” “N-nasabi ko bas a ‘yo Manding…na naghiwalay kami ni Pedring ng walang linaw?”
“Ano ba talaga ang ibig mong sabihin, Melanie?”
“N-na hindi naman talaga kami nag- break ni Pedring!”
“Ang sama naman yata ng tinutungo mo, Melanie!” Tiim-bagang si Manding. “H’wag mo namang sabihing… nagbalikan kayo ng hayup na ‘yon! H’wag namaaann!”
“M-may pasabi siya, Manding na… mag-usap daw kami…”
Lumalangitngit na ang mga ngipin ni Manding. “Tapos na kayo, di ba?”
Lalong nataranta si Melanie: “E, kuwan…e, ano…”
“Hindi ako papaya na mag-usap pa kayo ng kahit anon g halimaw na ‘ yon! Ano siya? Nakakalalaki? Magkakamatayan kami!”
Napipi si Melanie. Paano pa niya sasabihin ang gusto niyang sabihin sa nakita niyang reaksiyon ni Manding? Paano pa niya sasabihing gusto na niyang makipag-break dito at makipagbalikan uli kay Pedring?
“Teka nga muna, Melanie. Ano ba talaga ang katayuan n’yo ng unggoy na Pedring na ‘yon. Nagkakausap pa ba kayo?”
“Hindi kami nagkakausap, Manding.”
“Kung hindi kayo nagkakausap, siguro’y nagkakasulatan kayo. Sino ba ang namamagitan sa inyo. Baka samain sa akin kung sino man ang nakikialam para magkalapit kayo uli.”
Hindi siya kumibo. O hindi makakibo.
“Sinabi ko na naman sa ‘yo, Melanie…” sa pagitan ng tiim na bibig nagdaraan ang mga salita ni Manding, “kung ano man ang nakaraan n’yo ng demonyong Pedring na ‘yun, wala na akong pakelam. Pero ngayong tayo nang dalawa, hinding-hindi na ako papayag na bumalik ka pa sa kanya.”
Hanggang sa magpaalam si Manding, hindi niya nasabi ang talagang gusto niyang sabihin. Paano niya sasabihing kakalasan niya ito ngayong papakasalan na siya ni Pedring? At paano niya idadagdag na kaya siya pakakasalan ni Pedring ay dahil buntis siya? At lalo marahil mananatiling sekreto kung kaninong anak ang dinadala niya.
Problemang-problema si Melanie. Ano kaya ang susunod na magiging hakbang ni Manding? Aaa, kilala niya kung gaano kapausok ang lalaking ito! Maisip lang niya kung ano ang pwedeng maging resulta ng kanyang mga ginawa, manghihimatay na yata siya!
Kung problemado si Melanie, problemaado rin si Pedring.
Habang nagtatrabaho sa bukid, hindi makalimutan ni Pedring ang naging pag-uusap nila ni Melanie. Ang umano’y magiging anak nila ni Melanie at ang naipangako niyang kasal sa dalaga. Itutuloy...