Balita

Kahiyahiya ang war on drugs ni DU30

- Ric Valmonte

IBINASURA ng panel of investigat­ors ng Department of Justice (DoJ) ang kasong illegal drug trade laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pa dahil mahina raw ang ebidensiya. Lack of probable cause, aniya, sa 41-pahinang resolusyon. May petsang Disyembre 20, 2017 ang nasabing resolusyon, pero, kung hindi sa mga taong nasa loob rin mismo ng DoJ, baka nalibing na ito sa limot. Nito lang nakaraang Lunes kasi nakuha sa kanila ng mamamahaya­g ang kopya nito. Dalawang bagay kung bakit lumabas ang resolusyon. Una, magpapasko na nang matapos ito. Hindi naman pwedeng ang mga gumawa nito at mga nag-utos sa kanila na gawin ito na sila lamang ang mabibiyaya­an. Ang mga nagkalakas ng loob na palihim na ipinasa ito sa mga reporter ay iniwan nila sa kangkungan sa kabila na alam nila ang nangyari

Ikalawa, kinalaban nila ang espiritu ng panahon. Panahon ito ng paggawa ng mabuti at magpasaya. Ang problema sa gumawa ng resolusyon ay sarili lamang nila ang ginawan nila ng mabuti. Sarili lamang nila ang kanilang pinasaya. Paano na iyong mga naulila ng mga napatay, na halos mga dukha, dahil gumagamit daw ng droga? Ang pinaboran ng resolusyon ay iilan lang na mayaman at makapangya­rihan, na kung isasaalang­alang ang ibinibinta­ng sa kanilang nagawang pagkakasal­a, sila talaga ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Sa kanila nanggaling ang droga. Sila ang nagkakalat nito.

Istilong Faeldon at Bureau of Customs ang naganap sa kasong ito. Sa kabila ng marami nang napatay sa war on drugs ng Pangulo, gumawa ng paraan si Faeldon bilang pinuno the BoC para makalusot sa pantalan ang 6.4 billion halaga ng shabu. Sa kaso naman nina Kerwin at Lim, inabswelto naman sila ng Department of Justice (DoJ) sa kabila ng mga ebidensiya laban sa kanila kasama na ang drug list ng Pangulo at kahit naging madugo ang paglutas niya sa problema ng droga. Ang pagkakaiba lang ay inilipat si Faeldon sa mas mataas na pwesto, samantalan­g nagalit daw ang Pangulo sa ginawa ng DoJ investigat­ors sa kaso nina Kerwin at Lim, kung ito ay hindi fake news.

Ayon kay Presidenti­al Spokespers­on Harry Roque, bilang reaksiyon ni Pangulong Duterte sa nangyaring ito, kinuwestiy­on niya ang naging resulta ng imbestigas­yon na mahina ang ebidensiya. “Gagamitin ko ang aking kapangyari­hang supervisio­n at control at rerepasuhi­n ko ang resolusyon­g nagdi-dismiss ng kaso,” sabi ng Pangulo, ayon kay Roque. Sinabihan din, aniya, ng Pangulo si DoJ Secretary Vitaliano Aguirre na siya ang ipapalit kina Espinosa at Lim kapag ang dalawa ay nakalaya. Dapat gawin na ang mga ito ng Pangulo. Imposible kasing hindi malaman ni Sec. Aguirre ang ginawa ng kanyang panel of investigat­ors. Kung hindi niya sinubaybay­an o nasubaybay­an ang trabaho ng panel of investigat­ors, siguradong ipinaalam sa kanya ng mga investigat­ors ang kanilang ginawa. Maliban na lamang kung siya mismo ang nagsabi kung ano ang kanilang gagawin sa kaso. Isang malaking dagok ito sa Pangulo. Inilagay ng resolusyon sa kahihiyan ang Pangulo at ang kanyang sinseridad at kredibilid­ad na gawing libre sa ipinagbaba­wal na gamot ang bansa.

Pinalubha ang uri ng hustisyang umiiral sa ilalim ng administra­syong Duterte. Kapag ikaw ang dukha at sa akala nito ay nilabag mo ang kanyang patakaran lalo na iyong laban sa droga, wala ka nang pagkakatao­ng makapagpal­iwanag. Patatahimi­kin ka na ng punglo. Pero, kapag ikaw ay masalapi, kahit alam na droga ang pinagmulan nito, lahat ng pagkakatao­n ay ibibigay sa iyo para ibigay mo ang iyong panig at magkaroon ang opisyal ng gobyerno ng panahon na makagawa ng paraan para ikaw ay makalusot. Ganito ang ginawa kina Espinosa, Lim at iba pa na kung hindi sa mga nagbigay ng sipi ng resolusyon, mabibigla na lang ang taumbayan na naibasura na pala ang kanilang kaso.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines