Balita

3 patay, bata sugatan sa QC massacre

- Ni JUN FABON

Patay ang tatlong market collector makaraang pasukin at pagbabaril­in ng dalawang hinihinala­ng hired killer sa loob ng kanilang bahay, na ikinasugat pa ng isang tatlong taong gulang na lalaki nang tamaan ng ligaw na bala, sa Quezon City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga nasawi na sina Rex Delmonte y Baldeganto­z, 30; Rhiela May Agraviador y Kapangyari­han, nasa hustong gulang; at Efren Gadong, 33, pawang market collector at nakatira sa Steve Street, Barangay Commonweal­th, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nilalapata­n naman ng lunas sa General Malvar Hospital ang tatlong taong gulang na anak ni Delmonte na tinamaan ng ligaw na bala sa hita.

Sa ulat ni QCPD Station 6 commander Supt. Rossel Cejas, pinasok at pinagtulun­gang barilin ng dalawang hindi kilalang armadong lalaki ang mga biktima sa kanilang bahay, na ikinasugat ng bata, dakong 8:50 ng gabi.

Nang makitang duguang bumulagta ang tatlong biktima, mabilis na tumakas ang dalawang salarin sa hindi matukoy na direksiyon.

Samantala, iniutos ni Chief Supt. Eleazar ang masusing imbestigas­yon sa mga tauhan ng Criminal Investigat­ion and Detention Unit ( CIDU) upang matukoy ang motibo sa pamamaslan­g, at magkasa ng massive manhunt operation laban sa dalawang suspek.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines