Balita

Entrance exams sa SUCs, LUCs, libre na—CHEd

- Merlina Hernando-Malipot

Epektibo ngayong school year ay hindi na magbabayad pa para sa admission tests o entrance examinatio­ns ang mga high school graduate na nagnanais na pumasok sa state universiti­es and colleges (SUCs) at local universiti­es and colleges (LUCs) na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHEd).

Ito ay matapos makumpleto at ilabas ng CHEd ang Enhanced Implementi­ng Rules and Regulation­s ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTEA).

Sinabi ni CHEd Officer-in-Charge J. Prospero De Vera III na ang lahat ng 112 SUCs at 78 LUCs na kinikilala ng CHEd ay hindi na maaaring maningil ng bayad para sa entrance exams bilang parte ng mga benepisyo ng free higher education law, na pangkalaha­tang ipatutupad simula sa Academic Year (AY) 2018-2019.

Aniya, maliit lang ang bayad para sa entrance exams sa mga pampubliko­ng unibersida­d at kolehiyo pero problema pa rin ito para sa ilang high school graduate, partikular sa mga probinsiya, o sa mahihirap na pamilya.

Nilinaw ng CHEd na sa pasukan ngayong taon ay libre na ang entrance exams sa mga SUC at piling LUCs para sa high school graduates.

“The SUCs and LUCs can bill it to us,” sabi ni De Vera, kasabay ng pagbibigay-diin na walang limitasyon kung gaano karaming estudyante ang mabebenepi­syuhan sa hindi pagbabayad ng entrance exams.

Kapag nabigo ang aplikante sa napiling SUC o LUC, maaari pa ring mag-apply ang estudyante sa ibang pampubliko­ng paaralan, at hindi pa rin siya pagbabayar­in sa entrance exams.

Puwede aniyang i-reimburse ng SUCs at LUCs ang halaga para sa entrance exams sa CHEd, dahil ang pondo para rito ay mula sa P40 bilyon alokasyon sa 2018 General Appropriat­ions Act ng Kongreso.

Sa pagtanggap ng bansa sa unang grupo ng senior high school (SHS) graduates ngayong taon, inihayag ni De Vera na may paunang taya ang CHEd na nasa 1.1 milyon estudyante ang inaasahang kukuha ng admission test sa SUCs, habang 300,000 naman sa LUCs.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines