Balita

4 na bagong BoC district collector itinalaga

- Ariel Fernandez

Nagtalaga ng apat na bagong district collector ang Bureau of Customs ( BoC) bilang bahagi ng malawakang balasahan sa kawanihan.

Nitong Biyernes pormal na umupo bilang district collector sa Ninoy Aquino Internatio­nal Airport ( NAIA) si Carmelita “Mimel” Talusan, dating district collector ng Port of Subic, matapos na palitan si Atty. Vincent Philip Maronilla.

Nabatid na itinalaga sa Port of Surigao si Atty. Ma. Liza T. Sebastian, ng Revenue Collection Monitoring Group, habang sa Port of Zamboanga naman si Atty. Lyceo C. Martinez ng Compliance Monitoring Unit, bilang kahalili nina dating Surigao collector Lilibeth Mangsal at Zamboanga collector Atty. Jesus Balmores.

Si Mangsal ay bagong acting deputy collector for operations ng Port of Cebu.

Sinibak ang mga dating collector matapos umanong mabigong makamit ang collection target nitong Pebrero.

Matatandaa­ng unang nagbigay ng istriktong direktiba si Customs Commission­er Isidro Lapeña upang paigtingin ang collection performanc­e at iutos ang pagsibak sa district collectors na hindi makaaabot sa target na koleksiyon ng nasabing buwan.

Labing-apat sa 17 collection district ang lumagpas sa target na nagresulta sa koleksiyon na P43.674 bilyon kumpara sa P41.709 bilyon target noong nakaraang buwan, na lumampas ng P1.965 bilyon.

Samantala, umupo na rin bilang district collector ng Port of Legazpi si NAIA Deputy Collector for Passenger Services Arsenia Ilagan, kapalit ni Atty. Ma. Lourdes Mangaoang, na kasalukuya­ng NAIA Deputy Collector for Passenger Services.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines