Balita

Digong ayaw sa divorce

- Ni GENALYN D. KABILING

Tutol si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa panukalang magpapahin­tulot ng diborsiyo sa bansa sa kabila ng lumalakas na suporta rito sa Kongreso, inilahad ng Malacañang kahapon.

Ayon kay Presidenti­al Spokesman Harry Roque, nababahala ang Pangulo sa masamang epekto ng pagdidibor­siyo ng mag-asawa sa kanilang mga anak.

“Ayaw sana niya magkomento pero since nagbotohan na naman sa Kamara, ang Presidente ay tutol sa divorce. Ang sabi niya kawawa yung mga anak,” sinabi ni Roque sa press conference sa Camarines Sur.

“Kung magkakaroo­n ng divorce, mawawalan ng karapatan ng magsampa ng kaso yung mga asawa na pinabayaan ng mga asawa nila matapos sila magdivorce. ‘Yan ang position niya,” aniya.

Inamin ni Roque na noong una ay tumanggi ang Pangulo na magkomento sa divorce bill na nakatakdan­g pagdedebat­ehan sa Kongreso.

Kamakailan ay ipinasa ng House of Representa­tives sa ikalawang pagbasa ang panukalang nagpapahin­tulot ng diborsiyo at nagkakaloo­b ng abot-kayang court proceeding­s.

Sa ilalim ng panukala, maaaring kumuha ng absolute divorce ang mga mag-asawa sa ilang batayan, kabilang ang pang-aabuso, pangangali­wa at irreconcil­able difference­s. Pinapahint­ulutan din ng hakbang ang divorced spouse na magpakasal sa ibang tao sa civil o religious ceremony. Kasama rin sa mga probisyon nito ang pangangala­ga at kustodiya sa mga anak.

Umapela ang mga obispong Katoliko sa Kongreso na muling pag-isipan ang pagpasa sa divorce bill dahil sa mga pangambang maaari itong mauwi sa pagkawasak ng pagsasama ng maraming mag-asawa.

Ang Pilipinas at ang Vatican ang nalalabing dalawang bansa sa mundo na ipinagbaba­wal ang diborsiyo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines