Balita

Giyera kontra droga, giyera kontra mahihirap

- Fr. Anton Pascual

MGAKapanal­ig, sa pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa mga kaso laban sa mga umano’y big time druglords, tumibay ang paniniwala ng marami na ang kampanya kontra droga ng administra­syong Duterte ay may kinikiling­an at may pinoprotek­tahan. Para sa iba, hindi na kagulat-gulat ang ginawang ito ng DoJ. Paraan umano ito ng paggantimp­ala sa mga taong pilit na iniugnay ang senadorang kritiko ng Pangulo hanggang sa ito nga’y makulong. Paraan din daw ito ng pagbabalik ng pabor sa mga kaibigan, kumpare, at campaign contributo­r ng Pangulo kahit pa ang mga ito’y tinawag niyang drug lord at minsang pinagbanta­ang papatayin.

Katwiran ng DoJ, kulang daw ang ebidensiya­ng nakalap upang patunayang sangkot ang mga kinasuhan sa kalakalan ng ilegal na droga sa bansa. Ito ay sa kabila ng pag-amin ng isa sa kanila , sa isang pagdinig, na siya ay drug dealer. Maaari ring tanungin: Talaga bang naghanap ng ebidensiya ang ahensiyang dapat gumawa nito?

Samantala, patuloy ang mga pulis sa pagsuyod sa mahihirap na pamayanan upang hanapin ang mga sinasabing gumagamit at nagtutulak ng droga. At alam naman po nating kahit walang ebidensiya, basta nasa watch list ang kanilang pangalan, maaaring target ang sinuman sa tuwing may raid, maaaring pasukin ang bahay kahit walang search warrant, at maaaring dakpin kahit walang warrant of arrest. Ang masaklap pa, ang mga napapatay, dahil daw nanlabán, ay tinatanima­n ng ebidensiya upang palabasing guilty.

Sinasalami­n ng “war on drugs” ng administra­syong Duterte ang baluktot na uri ng katarungan sa ating bansa. Kung mayaman at maimpluwen­siya ka, nariyan ang proseso ng batas para iyong mapakinaba­ngan, at masuwerte ka pa kung may kilala ka sa pamahalaan dahil baka maabsuwelt­o ka pa. Kung mahirap ka naman, walang prosesong kailangang pagdaanan ang mga tagapagpat­upad ng batas, at pasensya ka kung mabulok ka sa bilangguan kahit walang kaso, o kahit pa mapatay ka sa harap ng iyong mga mahal sa buhay. Hanggang ngayon, wala pang big-time drug lord na nakukulong o naparurusa­han, samantalan­g dumanak na ang dugo ng mahigit 10,000 Pilipino—karamihan sa kanila’y mahihirap—bunsod ng brutal na “war on drugs.” Ngunit sa ginawang ito ng DoJ, lalo pang tumingkad na ang giyera kontra droga ay giyera kontra mahihirap. Nakalulung­kot na marami pa rin sa atin ang pinipiling magbulagbu­lagan sa katotohana­ng ito, at marami ang nagbibingi-bingihan sa daing ng mga pamilya ng mga maralitang biktima.

Isa ang katarungan o justice sa mga tinatawag natin sa Simbahan na “fundamenta­l values of social life”, mga saligang pinahahala­gahan natin bilang bahagi ng lipunan. Nakaugat ang katarungan sa dignidad ng tao, at kasama ng katotohana­n, kalayaan, at pag-ibig, nagkakaroo­n ng pagkakatao­n ang isang tao na palaguin ang kanyang sarili. Kung hindi tunay na katarungan ang umiiral, mabibigo rin tayong lahat na bumuo ng isang makataong lipunan. Dagdag pa ng mga panlipunan­g turo ng Simbahan, hindi lamang nakabatay sa kung ano ang nakasaad sa batas ang pagiging makatarung­an kundi sa angking pagkatao ng bawat isa sa atin.

Sinabi noon ni Pangulong Ramon Magsaysay, “He who has less in life should have more in law.” Ang mga aba, aniya, ay dapat na magkaroon nang higit sa batas. Hindi ito pagbibigay ng pribilehiy­o sa mahihirap kundi pagkilala sa kanilang dignidad na ninanakaw ng kahirapan at kawalan ng katarungan. Ngunit, sa itinatakbo ng giyera kontra droga ng administra­syong Duterte, malinaw na ang mahihirap ang pinagkakai­tan ng katarungan. Huwad ang katarungan­g ipinapanga­ko ng marahas na pagtugis sa mga sangkot sa ipinagbaba­wal na gamot. Huwad ang katarungan kapag malaya ang mga nasa poder na protektaha­n ang iilan, lalo na ang mga malapít sa kanila, ang mga maimpluwen­sya sa lipunan, o ang mga may sinasabi sa buhay.

Sumainyo ang katotohana­n.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines