Balita

Apat bumulagta sa buy-bust

- Light A. Nolasco

CABANATUAN CITY - Apat na hinihinala­ng drug pusher ang nadagdag sa humahabang listahan ng mga napatay sa walang tigil na buy-bust operation ng mga awtoridad sa Nueva Ecija sa nakalipas na mga araw.

Batay sa mga ulat sa tanggapan ni Senior Supt. Eliseo T. Tanding, Nueva Ecija Police Provincial Office director, kinilala ang mga nasawi na sina Louie Bartolome at Michael Ramos, kapwa taga-Barangay Matadero, Cabanatuan City; Ricarte Duque Patricio, 50, ng Bgy. Ganduz, Pantabanga­n; at Roberto Aquino, ng Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Ayon kay Supt. Joe Neil E. Rojo, OIC ng Talavera Police, dakong 11:25 ng gabi noong Sabado nang isagawa ang buy-bust kontra kina Bartolome at Ramos sa by-pass road sa Bgy. La Torre, Talavera.

Nabatid na nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaks­iyon kaya bumunot umano ng baril, subalit naunahan ng mga pulis at napatay.

Bukod sa dalawang .38 caliber revolver, nakakumpis­ka rin umano ang mga pulis ng nasa 10 sachet ng hinihinala­ng shabu sa tricycle na sinakyan ng mga suspek.

Sa Sitio Guevarra sa Bgy. West Poblacion sa Pantabanga­n naman isinagawa nina Senior Insp. Melchor Pereja at Chief Insp. Eisbon Llamasares ang operasyon kontra kay Patricio, na nakuhanan umano ng isang .38 caliber revolver na may apat na basyong bala, at apat na sachet ng hinihinala­ng shabu.

Dakong 2:00 ng umaga nitong Linggo nang napatay si Aquino sa umano’y engkuwentr­o sa Bgy. Cruz sa Bongabon, matapos umanong manlaban sa buy-bust.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines