Ika-136 na labas
Dinalawinalaw ni Lagring o Princess si Mutya sa apartment. Ikinuwento ni Princess na sinampal siya ni Pedring. Ikinuwento rin ni Princess ang dahilan kung bakit nangyari iyon.
“Buti nga, sinampal ka lang,” sabi ni Mutya.
“Magkakampi ba tayo o magkalaban, Mutya?”
“Magkaibigan tayo, Princess. Pero, hindi biro ‘yong ginawa mo sa tao. Sa palagay mo, tama ‘yon?”
“Alam n’yang hindi birhen ang nakuha nya. Aasta siyang napupugayan ng dangal?”
“Oo. Hindi na nga tayo malinis. Pero oras na sumama tayo sa isang lalaki, kelangang limutin na natin ang dati nating trabaho.”
“Kaya nga hihiwalay na ‘ko sa kanya.” “Bakit nga kaya, friend?” “Dahil hindi maiiwasang saktan ko siya palagi.”
“Niloloko mo kasi ag sarili mo, Princess.”
Kunot-noo si Princess. “Ano na naman ang ibig mong sabihin?”
“Malinaw kasing kahit ano ang gawin mong paananakit kay Pedring… hindi ka pa rin masisiyahan.”
“Siguro nga’y hindi pa sapat ang lahat ng pananakit ko sa kanya para makaganti.”
“Hindi gano’n ang tingin ko sa’yo, Princess.”
“Ano naman, Mutya… ang ibig mong sabihin?”
“Kung ano man, Princess, ang pagkakasala sa’yo ni Pedring, hindi ko alam. Pero ang nakikita ko sa’yo, hindi ka naman talaga galit sa kanya. Ayaw mo lang ‘yong aminin.”
“Ano naman ang ayaw kong aminin.”
“Mahal mo si Pedring! Mahal mo siya,’yon ang totoo.”
“Hindi ‘yan totoo, Mutya… hindi! Hindii!” Sumusigaw na si Princess.
“Kumalma ka muna kaibigan. Alam mo kung kanino ka talaga galit? Sa sarili mo. Kasi pinipilit ka ng damdamin mo na tanggapin si Pedring pero ayaw ng utak mong may talangka.”
“Hindi ikaw ang may katawan, Mutya!”
Tingnan mo, friend. Kung walang halaga sa’yo ang tao, hindi mo siya paguukulan ng panahon. Kung walang kwenta sa ‘yo ang taong nagkasala, madali mong malilimutan.”
Hindi kumibo si Princess kaya itinuloy ni Mutya ang kanyang sinasabi: “Paanong hindi mo makakalimutan agad ang isang taong wala namang halaga sa’yo. Pero iba pag mahal mo ang nakasakit sa’yo. Hindi mo ‘yon malilimutan lalo’t lagi mo siyang nakikita.”
Katahimikan. Matagal. Tumitimo ba ng malalim kay Princess ang sinasabi ni Mutya?
“Teka muna,Princess. P’wede bang malaman kung ano talaga ang kasalanan sa’yo ni Pedring?” “Napakahabang istorya.” “Kahit gaano kahaba, handa akong making,Princess.”
“Hamo, Malalaman mo rin sa tamang panahon.”
PINAGSISIHAN ng labis ni Pedring ang nagawa niyang pananakit kay Princess. Totoo, pinasasakitan siya ni Princess o Lagring pero sino ba ang may kasalanan? A, wala siyang katuwirang manampal o saktan man lamang kahit dulo ng daliri ni Lagring. Sa laki ng kasalanan nagawa niya, kulang pa ngang ibayad niya ang mismong kanyang buhay.
Alam na alam niya kung bakit siya ginaganoon ni Lagring. Ginagawa talaga ni Lagring ang lahat ng ikasasama ng kanyang looob. At kabilang ang ginawa ni Lagring na nakakahiyang pagyurak sa kanyang pagkalalaki.
Parang may nagbubulong sa kanya: Isang araw ay tatanggapin ka rin ni Lagring. Kung kailan iyon, matuto kang maghintay. Itutuloy...