Balita

PAGDILA SA APOY

- R.V. VILLANUEVA

Ika-142 labas

NASAisang apartment sina Pedring at Lagring ay para silang nakatira sa magkaibang daigdig. Umaga pa lang, umaalis na si Lagring nang walang paalam. Ni hindi sila nagtatabi sa gabi.

Bandang alas siyete ng umaga, siya naman ang lalabas. Hindi na siya nagpapalit ng damit na itinulog. Tutal, sa tindahan lang naman ng Intsik ang punta niya. Kakain lang siya ng pansit. O mami. O kung hindi man ay lugaw. Magbabasa ng diyaryo o kahit anong mababasa. O gagawa ng kahit anong gawaing bahay na magagawa.

Dakong alas otso ng gabi, darating si Lagring. As usual, parang walang dinatnan. Ni hindi siya kikibuin. Suwerte nang matingnan siya kahit mabilis na sulyap. Pagpasok sa kuwarto, inalalakas ang kandado ng pinto. Puwede namang mahina lang pero inilalakas para marahil marinig niya.

Kung minsan, naiisip niya: Komprontah­in kaya niya si Lagring?

Itanong niya kung saan ito naglalagi? Hindi ba hanggang panahong ito, binabayara­n niya ang mga oras ni Lagring?

Pero hanggang plano lang naman siya. Para niyang naririnig: Wala tayong pakialaman sa mga personal na bagay. Saka kung tatanggapi­n ni Lagring ang ano mang hamon niya, siya naman ang susuko. Siya ang magmamakaa­wa. Paano kung layasan nga siya ni Lagring?

Isang araw na wala si Lagring, nakalikuta­n niyang buksan ang ilang abubot ni Lagring. Mga samot-saring gamit na pambabae. At nakakita siya ng ilang larawan ni Lagring na may kasamang lalaki. Kaagad, uminit ang kanyang dugo. Kayakap kasi ni Lagring ang lalaki.

Parang may lumamukos sa kanyang puso!

Hindi lang kayakap ni Lagring ang lalaki. Kahalikan! Ang kuha ay sa isang beach resort. Parehong nakadamit pampaligo ang dalawa.

Naiisip ni Pedring: Siguro boyfriend ni Lagring ang lalaki.

A, may nag-aapoy na sa dibdib ni Pedring!

Pinakatiti­gan ni Pedring ang lalaki. Ano kaya’t isang araw, sa paglalakad niya, nakasalubo­ng niya ang lalaking ito. Aaaa, papatay siya ng tao… papatay siya!

Ika-labinglima ng buwan. Araw ng suweldo.

“Heto ang obligasyon ko sa’yo, Lagring.”Iniabot niya ang buong laman ng sobreng hawak niya.

Walang pakiyemeng kinuha iyon ni Lagring. Binilang. Nag-aalala bang hindi kumpleto? Hindi naman dati ginagawa iyon ni Lagring, a.

Ano kaya’t binigyan siya ni Lagring kahit magkanong pambili ng gamot? Ang sarap siguro! Nakita naman ni Lagring na lahat ng laman ng sobre ay ibinigay niya. May ilang barya lang siyang ipinamulsa.

Ang hindi niya inasahan ay ang sinabi ni Lagring: “Sa tingin ko, malubha ang sakit mo.” “W-wala na akong s-sakit, Lagring.” “Ano nga bang pakialam ko?” Humalaklak ng pangliliba­k si Lagring. “Ang mahalaga naman, natutuguna­n mo pa ang obligasyon mo sa ‘kin. Kung nahihirapa­n ka naman, puwede na naman akong lumayas!”

“Wala rin namang problema sa trabaho ko Lagring. Hindi pa lang ako pumapasok dahil bakasyon pa ko.”

“Baka naman sinisante ka na?” Tawa uli.

“Mali ka, Lagring. Hindi nila ako basta matatangga­l. Baka nakakalimu­tan nila, superbisor ako!”Ang hindi niya sinabi: Patawarin mo po ako Diyos ko sa patuloy kong pagsisinun­galing.

Ang totoo’y hindi pa alam ni Pedring kung ano ang status niya sa kanyang trabaho. Ang nagpayo sa kanya na bumakasyon muna ay ang doktor na tumingin sa kanya sa ospital. Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines