Kabataan, hinimok ni Muros na sundan ang kanyang yapak
KABUUANG 500 kabataan mula sa 20 barangay sa San Pedro City sa Laguna ang nakibahagi sa ginanap na Philippine Sports Commission’s Children’s Games kahapon sa City Plaza ng Sampaguita.
Ipinahatid ni dating Mayor Calixto Cataquiz, kinokonsiderang ‘ Ama ng San Pedro’ ang pasasalamat sa PSC at naging bahagi ng lungsod sa programa na kinikilala ng United Nations Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Ito ang unang pagkakataon na nakipagtambalan ang lungsod sa PSC para maisulong ang grassroots sports program ng ahensiya.
Ikinalugod naman ni Jil Amil, ipinagmamalaking San Pedronian at PSC coordinator, ang matagumpay na pagsasagawa ng naturang event.
Pinasalamat din niya ang suporta ni City Mayor Baby Cataquiz.
“If not for Mayor Cataquiz, this day will not happen,” pahayag ni Amil.
Pinangunahan ni athletics legend at PSC sports coordinator Elma Muros- Posadas ang pagtuturo sa mga kabataan na hinikayat din niyang sumulong sa sports at tularan ang mga katulad niyang sports legend sa bansa.
“Keep dreaming but to also keep achieving. Baka isa na sa inyo dito ang susunod sa yapak ko,” pahayag ni Posadas.
Nagbigay din ng mensahe si PSI deputy national director Marlon Malbog III sa mga kalahok.
“Character development is one of the lofty goals of this program. Teaching our children to take responsibility for small things like their trash is a big contribution to developing positivity and discipline to our nation’s future,” aniya.
Inilunsad ang Children’s Games sa Davao City noong Mayo sa nakalipas na taon, kasabay ang naganap na kaguluhan sa Mindanao dulot nang insidente sa Marawi City.