PAGDILA SA APOY
Ika-145 labas
Hindi halos kayang tanggapin ni Pedring ang sinabi ng doktor na tanggal na siya sa trabaho dahil sa kanyang sakit.
Tinutuyo ni Pedring ang mga luha niya sa pamamagitan ng likod ng kanyang mga kamay nang makita siya ni Sidro. Wala na sana siyang balak na makipagkita pa sa kaibigan. Pero marahil ay si Sidro ang nakakita sa kanya nang magtungo siya sa klinika. Marahil, sadyang inabangan siya nito.
Walang kibo, inakbayan siya ni Sidro. Halos marahil ay alam na ni Sidro ang nangyari sa kanya,
“Napakalungkot, Sidro!” Nasabi na lang niya.
Hinigpitan lang ni Sidro ang akbay sa kanya. Halos yakapin na siya ng kaibigan.
“N-napakabigat na pagsubok n-nman!” Umiiyak na naman siya.
Sa kawalan yata ng masabi, inakay na lang siya ni Sidro. Sa kantina ng kumpanya sila humantong.
Ayaw sana ni Pedring na magtagal pa siya sa loob ng compound ng imprenta. Lalo sanang ayaw niya sa kantina. Ayaw kasi niyang may makakita pang kasamahan niya. Ayaw na niya ng pakikiramay.
“Alam ko, nagsisikip ang dibdib mo,” sabi ni Sidro. “Kelangang mailabas mo ’yan. Kelangan may mapagkuwentuhan ka, ibig kong sabihin.”
Wala pang tao sa kantina. Wala pang customer. Hindi pa naman kasi oras ng breaktime.
“Ano’ng gusto mong kainin, Pedring?”
“Wala, Sidro. Busog ako. Salamat na lang!”
Tinawag ni Sidro ang tagasilbi. Humingi siya ng dalawang kapeng walang gatas. Naiintindihan ni Sidro marahil ang kaibigan. Hindi puwedeng dumaan sa lalamunan nito ang ano mang solid na pagkain.
Bumuntong hininga si Pedring: “W-wala na siguro ako talagang pagasa, S-sidro!”
Hindi siya kumibo. Ano ba ang sasabihin niya?
“Pahinga lang ang kailangan mo, Pedring. Pag magaling kana, di magtrabaho ka uli.” “S-sinisante na nga ako, Sidro!” Napatanga si Sidro. Hindi siguro inasahan na ganoon na kalubha ang kaso niya.
“Di... m-mag-aaply ka na lang sa... i-iba.”
Umiling-iling siya. “Alam kong inaaliw mo lang ako. Salamat din! K-kaya ko ‘to. Sana’y naman talaga ako sa hirap, e. Sa buong buhay ko yata...wala nang uri ng hirap ang hindi ko naranasan.”
Katahimikan. Matagal.
Siya uli: “Ang hindi ko lang siguro m-makakaya...”
“Ano ang hindi mo makakaya, kaibigan?” Umiling na lang siya. Sasabihin pa ba niya na ang hindi niya makakaya kung hihiwalayan siya ni Lagring?
“Sabihin mo, Pedring. Pagluwagin mo ‘yang dibdib mo.” Kaytagal uling katahimikan. “Wala na nga sigurong masama, Sidro... kung malaman mo. Ang hindi ko makakaya ay ‘yong magkahiwalay kami ni Lagring. ‘kakamatay ko siguro ‘yon!”
“Bakit naman kayo magkakalayo?”
“Di ba... kilala mo naman si Princess o Lagring, di ba?”
“Bakit hindi ko aaminin? Lihim nga, inggit ako sa’yo. Nasa isip ko na nga ba, hindi naman kayo kasal. Ang daming gustong mag-garahe sa kanya. Buti nga pumayag na...”
“Binabayaran ko si Lagring para makisama sa ‘kin!”
“Pa’no ‘yon? Di ba pag ibinahay mo, parang asawa na rin?”
Itutuloy...