Ika-147 labas
GUSTO na ni Pedring na sabihin kay Lagring ang tunay na katayuan ng kanyang kalusugan pero hirap siyang gawin iyon.
“Ano ba talaga ang sasabihin mo?” Markado ang inis sa boses ni Lagring.
“Gusto ko sana, Lagring... m-maghiwalay na tayo!”
“A-ano? Bakit ngayon lang? Dapat siguro noon mo pa naisip. Bayad ka nang bayad, hindi ka naman nakakasawsaw. Noon ko pa naman gustong maghiwalay na tayo. Ikaw lang naman ang ayaw.”
“Wala naman akong dapat panghinayangan, Lagring.” Basag na basag ang boses ni Pedring. “Saka, hindi naan importante kung hindi ako makatabi sa ‘yo. Kahit wala tayong sex sa habampanahon, hindi naman mahalaga sa ‘kin. Ang importante lang sa ‘kin, alam ng Diyos... ay ‘yong huwag kang malayo sa ‘kin.” “Daming drama, humpt!” “H-hindi ko na kayang sustentuhan ka. N-natanggal ako sa trabaho, Lagring!”
Nag-iisip si Lagring. Hindi muna ito kumibo.
Iniisip na naman ni Pedring ang imposible: Hindi kita maiiwan ngayon,
Pedring. Higit mo akong kailangan ngayon.
Nagtungo si Lagring sa kuwarto. Nagsimulang mag-ayos ng kanyang mga abubot. Nakikita iyon ni Pedring. Bukas ang pinto. “Ngayon ka na aalis, L-lagring?” “Ano pa ang gagawin ko rito? Di ba tinapos mo na ang kasunduan natin? Ikaw ang tumapos, hindi ako.”
“Ulit-ulit kong sinasabing hindi ko naman gusto ‘yon, Lagring.” “Ikaw pa rin ang tumapos, di ba?” “E, puwede kayang bukas ka na umalis?”
“Gusto mo pa kong makatabi kahit minsan? Takaw mi talaga!”
“Alam ng Diyos, Lagring... hindi dahil doon.”
“H’wag mo ngang isama dito ang Diyos, impakto ka. Pati sa kabastusan mo, isinasangkot mo ang Diyos.”
“Please... bukas ka na umalis. Alam mo namang wala na sa ‘kin ang sex noon pa.”
“Alam ko namang rapist ka. Pero ang titiyakin ko, hindi na puwede ngayon ‘ yon. Alam ko, kaya ka natanggal sa trabaho, may malubhang sakit ka.”
Binitbit na ni Lagring ang medyo malaki niyang bag na puno ng kung anoano.
“P’wede kayang malaman ko, Lagring... kung saan ka lilipat?
“Hindi! Pakialam mo!”
“Kung gagaling ako... baka magkaro’n pa ‘ko ng pagkakataong hanapin ka.” Ang hindi niya sinabi: May ibibigay ako sa iyo sa tamang panahon. Humpt! Siguro nama’y mahahanap kita. Marami akong puwedeng pagtanungan.
“Sa’n pa ba ako p’wedeng pumunta kundi sa pinanggalingan ko? Sa kademonyohan mong ginawa sa ‘kin, hindi ko kayang umuwi ng Bgy. Mauwak. Ganitong nagkalintek-lintek ang buhay ko, ano’ng ‘papakiharap ko sa kanila do’n?” “Patawarin mo na ‘ko, Lagring!” “Mahiya ka! Walang kapatawaran ang ginawa mo ‘kin!”
Iyong bitbit na iyon ni Lagring ng bag niya, wala nang lingong sumugod itong paalis.
PASADO ala una ng madaling araw, sakay ng taksi si Mutya, pauwi siya mula sa pinapasukang sauna parlor.
Napakunot-noo siya sa pagtataka sa kanyang pagbab mula sa sinakyang taksi. Bakit buhay ang ilaw sa kanyang apartment? Naiwan kaya niyang bukas talaga ang mga ilaw nang siya’y umalis?
Itutuloy...