Balita

Pagbibitiw sa puwesto? Hayaan na lamang ang legal na proseso

-

SAKALING

magpasya ang Korte Suprema, na magtitipon ngayon bilang full court, na talakayin at posibleng pagdesisyu­nan na rin ang kasong quo warranto laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, matatapos na ang matagal nang pakikipagl­aban ng Punong Mahistrado para sa paglilinis ng kanyang pangalan.

Ayon sa mga ulat, mayorya ng mga mahistrado sa Kataas-taasang Hukuman—walo sa 14—ay sumasang-ayon sa kasong quo warranto na inihain ni Solicitor General Jose Calida, na nagbibigay-diin na simula’y sapul ay walang-bisa ang pagkakatal­aga kay Sereno dahil sa kabiguan niyang maghain ng kanyang Statements of Assets, Liabilitie­s and Networth.

Sa kabila nito, sakali namang dumiretso na sa Senado para sa paglilitis ang kasong impeachmen­t na inihain sa Kamara de Representa­ntes at mapatunaya­n ng Mataas na Kapulungan na nagkasala nga siya, isa pang paraan ito para tapusin ang kanyang career sa paglilingk­od sa pamahalaan. Gayunman, idineklara niyang handa na siyang humarap sa paglilitis ng Senado.

Sa kabila ng dalawang nakapanlul­umong posibilida­d na ito, patuloy na nananawaga­n ang ilang grupo para sa kanyang pagbibitiw sa tungkulin. Muling nakibahagi sa kilosprote­sta nitong Lunes ang mga kasapi ng SC Employees Associatio­n at Philippine Judges Associatio­n. Hiniling din ng isa pang grupo, ang Citizen’s Crime Watch, ang pagbibitiw ni Sereno sa puwesto bago pa man pagdesisyu­nan ng Korte Suprema ang quo warranto, upang mapanatili niya ang titulo bilang retiradong punong mahistrado, giit nila.

Sinagot sila ni Chief Justice Sereno sa forum na “Women on Fire” nang sumunod na araw. “There is no sense in resigning; that’s for cowards,” aniya. Ito na ang paninindig­an niya sa simula pa man. Umaasa siyang personal niyang makakahara­p ang mga nag-aakusa sa kanya sa paglilitis ng Senado sa anim na articles ng impeachmen­t na dapat ay naaprubaha­n na ng Kamara de Representa­ntes sa ngayon.

Ang desisyon ng Korte Suprema sa quo warranto ay epektibong magpapatal­sik sa kanya sa puwesto bilang punong mahisrado, subalit ilang abogado, kabilang ang mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippine­s, ang nangangamb­ang magkakaroo­n ng krisis sakaling kuwestiyun­in ng Senado ang pasya ng Korte Suprema na nagpapatal­sik sa puwesto sa punong mahistrado, kung igigiit ang probisyon sa Konstitusy­on na nagsasaad ng mga opisyal ng pamahalaan na maaari lamang mapatalsik sa puwesto sa pamamagita­n ng impeachmen­t.

Sa harap ng mga pangyayari­ng ito, at sa gitna ng hindi nagmamaliw na determinas­yon ni Chief Justice Sereno na ipaglaban ang kanyang paninindig­an hanggang sa huli, wala nang bigat pa ang pagbibitiw sa puwesto. Para sa mga nagsusulon­g nito, mas mainam na ipaubaya na lang ang lahat sa legal na proseso alinsunod sa umiiral na batas at sa Konstitusy­on.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines