Balita

Liquor ban hanggang bukas

- Mary Ann Santiago at Orly Barcala

Pinaalalah­anan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko hinggil sa pagsisimul­a ng dalawang araw na liquor ban na magsisimul­a ngayong Linggo, Mayo 13, kasunod ng pagtatapos kahapon ng campaign period para sa Barangay at Sanggunian­g Kabataan Elections bukas.

Ayon kay Comelec Spokespers­on James Jimenez, ang liquor ban ay magsisimul­a ng 12:01 ng umaga ngayong Linggo at epektibo hanggang hatinggabi ng mismong araw ng halalan bukas.

Alinsunod sa liquor ban, mahigpit na ipinagbaba­wal ng Comelec ang pagbebenta, pamimigay, pag-aalok, pagbili, pag-inom, at pagsisilbi ng anumang nakalalasi­ng na inumin.

Kaugnay nito, nagpaalala kahapon ang Valenzuela City na isa hanggang anim na taong pagkakabil­anggo ang magiging parusa sa sinumang lalabag sa liquor ban.

“’Yung iba po kasi parang balewala lang sa kanila na akala ay basta lamang paglabag sa ordinansa. Taon po ang kulong sa sinumang lalabag,” ani Chief Insp. Noel D. Ramirez, deputy chief of police for operation ng Valenzuela.

Pagsapit ng hatinggabi kahapon ay bawal na rin ang pangangamp­anya ng mga kandidato, gaya ng pagpapakil­ala sa mga botante, pagbabahay-bahay, pagdaraos ng political rallies, o pamimigay ng anumang campaign materials, kabilang na ang sample ballots.

Paalala ni Jimenez, ang sinumang kandidato na mahuhuling nangangamp­anya pa at lalabag sa election rules ay maaaring madiskuwal­ipika.

Muli ring iginiit ni Jimenez na maging ang pamimigay ng sample ballot sa gate ng mga polling precinct ay mahigpit ding ipinagbaba­wal dahil malinaw na isang uri ito ng pangangamp­anya.

Pinayuhan din ni Jimenez ang mga botante na sa halip na tumanggap ng sample ballots ay maghanda na lang ng sariling kodigo ng mga iboboto.

Mahigpit ding nagpaalala si Jimenez sa mga kandidato at mga botante hinggil sa pagbabawal sa pamimigay, pagtanggap ng libreng transporta­syon, pagkain, inumin, pera at anumang bagay na may halaga, na maaaring maituring na vote buying.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines