PNoy at Digong
KUNGsi ex-Pres. Noynoy Aquino ay makupad, mabilis naman si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Kung si Noynoy ay mabagal magtanggal ng mga kaibigan at kaalyado sa puwesto na may bahid ng kurapsyon, si Digong ay mabilis magpasiya sa pagsibak kahit ang sisibakin ay iyong humimok at tumulong sa kanya noong halalan 2016.
Kung si ex-PNoy ay tatlo o apat na araw bago magpunta sa lugar ng kalamidad, si Mano Digong ay oras-mismo nagtutungo roon upang makiisa at umayuda sa mga biktima. Kung si Aquino ay paminsan-minsan lang dumadalaw sa mga kampomilitar, si Duterte ay malimit dumalaw at makipagkumustahan sa kanila.
Ito ay ilan lamang sa pagkakaiba na napapansin ng taumbayan sa dating Presidente at sa kasalukuyang Pangulo. Si Noynoy ay dating kongresista at senador. Si Rody ay dating alkalde at naging kongresista rin. Ano ang nagawa ni Aquino noong siya’y kongresista at senador? Ano naman ang nagawa ni Duterte noong siya’y Mayor at kongresista?
Remember, si PNoy ay nahalal sa bisa ng popularidad ng kanyang mga magulang-- ex-Pres. Cory Aquino at ex-Sen. Ninoy Aquino. Tandaan din na galit pa ang publiko sa mga Marcos kung kaya siya ibinoto noon. Si Tatay Digong ay inihalal ng 16.6 milyong Pinoy dahil sa kanyang “kamay na bakal” na pamamahala bilang mayor ng Davao City, paglipol sa illegal drugs na sumisira sa utak ng mga kabataan, pangako ng pagtabas sa kurapsyon. Kasama ang pahayag na ipakakain niya sa isda para tumaba ang mga bangkay ng tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Pinulot sa kangkungan ang “manok” ni PNoy noong 2016 elections. Iniluklok si Mayor Duterte sa trono ng Malacañang dahil sawa na sila sa Aquino administration at sa pagasang magkakaroon ng PAGBABAGO tungo sa pagsulong ng ekonomiya at pagtatamo ng kapayapaan sa bansa, lalo na sa Mindanao.
Ngayon, inaabangan ng mga Pinoy ang pangakong PAGBABAGO na mag-aangat sa kalagayan nila sa buhay mula sa gutom, kahirapan, kawalang-trabaho. Naghihintay sina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera ng pagbabago na magdadala sa kanila ng tatlong beses sa hapag-kainan, pag-aaral sa kolehiyo at pagkawala ng katiwalian at kabulukan sa gobyerno.
Namalas ng taumbayan ang kabilisang magpasiya ni PDu30 nang hirangin niya si Agriculture Usec. Bernadette “Berna” Romulo-Puyat kapalit ng nag-resign (o sinibak?) na si Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo. Si Ms. Berna ay anak ni ex-Sen. Alberto Romulo na dati ring Foreign Affairs Secretary.
Umaasa ang mga Pinoy na lulusog ang industriya ng turismo sa ilalim ng kanyang pamamahala. Si RomuloPuyat ay walang mga kapatid na posibleng makaimpluwensiya sa kanyang personal na interes. Mula siya sa kilala at mabuting pamillya. Sana ay magtagumpay siya. Sana ay buksan na agad ang Boracay Island.
Magbababa raw ng singil o power rates ang Meralco sa buwang ito. Ayon sa Meralco, ang ibababa ay P0.5436 per kilowatt hour bunsod ng mas mababang generation of transmission costs. Ang overall electricity rates ngayong Mayo ay P10.0041 per kilowatt hour. Aba, malaking tulong ito sa consumers, lalo na ngayong tag-init, na kailangan ang paggamit ng kuryente para maginhawahan ang mga tao.