Pagpupugay sa mapagpalang ina na naguugoy ng duyan
SAkalendaryo ng ating panahon, natatangi at mahalaga ang ikalawang Linggo ng Mayo sapagkat ipinagdiriwang sa iniibig nating Pilipinas at sa buong daigdig ang MOTHER’S DAY” o Araw ng mga Ina. Isang pagkilala at pagpupugay sa kabutihan ng itinuturing na pinakadakilang nilalang sa daigdig at mapagpalang ina na nag-uugoy ng duyan. Sa liturgical calendar naman ng Simbahan, ngayong Mayo 13, 2018 ay pagdiriwang ng kapistahan ng Ascension o Pag-akyat sa Langit ni Kristo.
Mapapansin na sakop ng mabulaklak na buwan ng Mayo ang pagdiriwang ng “Mother’s Day” na iniaalay naman sa Mahal na Birhen---ang kinikilalang kabuuan ng mga ina. Modelo o huwaran ng lahat ng mga babae. Ina ng mga ina at pinakadakilang Ina sa lahat.
Sa mga anak na nabubuhay pa ang kanilang mga ina, sa araw na ito’y masasabing mapapalad sila sapagkat mahahandugan nila ng regalo o alaala at mahahagkan bilang pagkilala at pasasalamat at pag-ibig sa kanilang ina. Ngunit sa mga wala nang ina o ulila, isang pagbabalik-tanaw na lamang sa kanilang mga gunita ang “Mother’s Day”. Ang maaaring gawin nila ay magsimba at isama sa kanilang matapat na dalangin ang kanilang ina. At kung panahon at pagkakataon, dalawin ang kanilang libingan at alayan ng mga sariwang bulaklak at maikling panalangin. Sa pagdarasal, may mga anak na hindi maiwasan ang mangilid ang luha sa mata o kaya ay umiyak sapagkat maaalala ang pagmamahal at mga kabutihan ng kanilang ina.
Ayon sa kasaysayan, ang pagpaparangal at paggunita sa mga ina ay nagsimula nang bigyang-puri ni Rhea---ang ina ng mga Griyegong diyos at diyosa isang araw ng tagsibol ancient Greece. At noong 1872, isang Amerikana na si Julia Ward Howd ay sumulat ng “Battle Hymn of the Republic” na inialay naman niya sa mga ina, na sumasagisag ng kapayapaan. Dito nag-ugat ang mga ideya ng pagpapahalaga at paggunita sa mga Ilaw ng Tahanan at Kamay na nag-uugoy ng duyan.
Noong 1901, ang West Virginia ang kauna-unahang estado sa America ang kumilala sa pagdiriwang ng “Mother’s Day”. Sinimulan ito ni Anne Jarvis. At noong Mayo 8,1914, opisyal na ipinahayag ni President Woodrow Wilson bilang national holiday at itinakda ito tuwing ikalawang Linggo ng Mayo.
Nakarating naman sa Pilipinas ang pagdiriwang ng “Mother’s Day” sa pamamagitan ng Ilocos Norte Women’s Club. At sa Circulat No.35 na inilabas ng American Governor General, itinakda ang pagdiriwang sa unang Lunes ng Setyembre. At mula sa isang tradisyon, noong 1936, ipinahayag naman ng Pangulong Manuel L. Quezon na ang unang Lunes ng Disyembre ang Pambansang Araw ng mga Ina. Sa tradisyong Pilipino noon, ang mga batang ulila sa ina ay naglalagay sa dibdib ng kulay rosas na bulaklak ng “Cadena de Amor”. Kung buhay pa ang kanilang ina, kulay puting bulaklak ng “Cadena de Amor” ang isinasabit sa dibdib.
Nang maging Presidente ng Pilipinas si dating Pangulong Corazon C. Aquino, noong 1987, sa bisa ng Proclamation No. 26, binago ang pagdiriwang ng “Mother’s Day”. Inilipat sa ikalawang Linggo ng Mayo ang selebrasyon.
Mahalaga at makatotohanan lamang na pag-ukulan ng panahon ang mga nagawa ng isang ina. Sa kanyang mga kamay halos nakaatang ang mga tungkuling ginagampanan sa pang-araw-araw na buhay upang ang daigdig ng mga anak ay magpatuloy sa pag-inog.
Bawat isa sa atin ay pinagkalooban ng Diyos ng ina na nagsilbing ilaw ng tahanan. At kung ilalarawan, ang ina ay mapagkalinga at mapagmahal na nilalang. Nagdala sa atin sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan.
Ang pag-ibig ng isang ina ay walang katapusan. Nagsisimula ito sa pagpintig ng buhay sa kanyang sinapupunan hanggang sa pagiging sanggol, kabataan, pagbibinata o pagdadalaga ng kanyang mga anak. Kung minsan ay hanggang sa pagaasawa. Walang katapusan ang kanilang pagkalinga. Ang ina ang nagbibigay lagi ng inspirasyon. Sila ang nagturo sa ating mga bayani mula sa duyan, hanggang sa rurok ng tagumpay. Sa tradisyon, maraming ina ang naging bahagi ng kasaysayan ng ating Perlas ng Silangan.
Maraming bayani at dakilang tao ang nag-ukol din ng pagpapahalaga sa ating mga ina. Mababanggit na halimbawa ay ang nilalaman ng bahagi ng sulat ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na may pamagat na “Liham sa mga Babaing taga-Malolos”. Ayon sa ating pambansang bayani, ang isang mabuting ina ang pumupukaw at naghahanda sa isip ng isang bata sa bawat mabuti at kanais-nais na ideya--pagmamahal sa karangalan, matapat at matatag na pagkatao, malinaw na pag--iisip, malinis na pag-uugali, pagmamahal sa kapwa, pag-ibig at paggalang sa Diyos. At dahil ang buhay ay puno ng pagsubok at pighati, dapat patatagin ang kanilang pagkatao laban sa anumang hirap. Palakasin ang kanilang puso sa anumang panganib.
Narito naman ang ilang saknong ng tula na sinulat ng inyong lingkod tungkol sa ating mga ina. May pamagat na IKAW AMING INA. “Magmula nang ika’y lalangin ng Diyos,/upang sa lalaki’y maging isang lugod;/ naging tanggulan ka ng mga himutok,/at naging hantungan ng maraming lungkot./Hindi ka kinuha sa ulo ni Adan,/ upang maghari ka sa sangkalupaan;/di ka rin hinugot sa kanyang paanan,/ upang durugin ka at laging tuntungan./ Sa tapat ng puso , doon ka kinuha,/upang kasamahin sa dusa’t ligaya;/dangal ka ng iyong mahal na asawa,/ at ilaw ng iyong mga ibubunga./ Sa mga bisig mo kami’y pinagpala,/ at sa iyong dibdib, nagtamong kalinga;/ sa iyong kandungan ang itiniwala,/isang Mananakop at Poong Bathala”.
Ang National Artist na sina Maestro Lucio D. San Pedro at Levi Celerio ay nag-ukol din ng pagkilala at parangal sa mga ina. Nagawa nila ito sa kinatha nilang awit at lyrics ng “SA UGOY NG DUYAN”, isang walang kamatayang awit na handog nila sa lahat ng mga ina sa buong daigdig. Masasabing kambal na talino ng dalawang Alagad ng Sining na mula sa Angono, Rizal at Bulacan.
Wala nang makakatulad ang mga ina na siyang kamay na nag-uugoy ng duyan at mapagpala ring kamay na humuhubog sa kapalaran ng sangkatauhan. Mabuhay ang lahat ng mga ina sa iniibig nating Pilipinas at buong mundo!