Ikaapat na labas
DUMATINGsi Sendoy sa bahay ni Mang Dalmacio para humingi ng inuming barikolkol at inakala pa ni Aling Bening na bongo ito. Nagbabalak ngayon sumama si Sendong kay Mang Dalmacio para mangilaw.
“TIYAK ka bang marami tayong mahuhuli sa sinasabi mong lugar, bihug Sendoy?” Tanong ni Mang Dalmacio.
“Tiyak, bihug,” sagot ni Sendoy. “Wala akong pinagsasabihan ng lugar na ‘yun kaya tiyak na marami tayong mahuhuling isda at hipon!”
“Totoo, bihug?” Tanong uli ni Mang Dalmacio.
“Tiyak na tiyak, bihug,”sagot ni Sendoy. “Kaya isama mo ako para tiyak na marami kang mahuling isda at hipon!”
“Sige, tayo na, kaya lamang ang problema, hindi mo pa tapos ang iniinom mong barikolkol. ‘Buti pa, iwan mo na lang at pagbalik na lang natin saka mo inumin,” wika ni Mang Dalmacio.
“Dadalhin ko na, bihug Dalmacio,” sagot ni Sendoy. “Mapapanis ito kung hindi tuloytuloy ang pag-inom.”
“Pilitin ninyong makauwi kaagad,” wika ni Aling Bening. “Baka gumala at magawi dito ‘yung bonggo na nakatira sa bung-aw!”
“Hindi kami magtatagal ni bihug Sendoy sa pamamalakaya, tiyak na makakauwi kami agad dahil marami kaming mahuhuli sa lugar na sinasabi niya,” paliwanag ni Mang Dalmacio.
At magkasunod na bumaba sa hagdang kawayan ng balkon si
Mang Dalmacio at katutubong Kabihug na si Sendoy para pumunta sa sapang Matanlang. Dahil sa pangakong kaagad babalik, mabilis ang paglalakad ni Mang Dalmacio at ng katutubong Kabihug papunta sa sapa kung saan sila mamalakaya sa pangingilaw. Dahil lumaki sa kapaligirang madamo, masukal at makahoy, mabilis ang paglalakad ni Sendoy kahit nasa huli ng kasamang nauunang hawak na ilaw. At dahil sobra ang likas na hilig sa alak, habang naglalakad ay panay ang tungga ni Sendoy sa boteng may lamang barikolkol. Dahil bilin ni Aling Bening na bumalik agad, pumitik sa isip ni Mang Dalmacio na tumbukin ang lugar na sinasabi ng katutubong Kabihug na gihak ang isda at hipon kung saan sila mamamalakaya.
“Bihug, kung ‘yan ang gusto mo, ako na ang hahawak ng lampa at mauuna,” wika ni Sendoy.
“Sige, ikaw ng mauna para madali tayong makarating sa sinasabi mong lugar,” sagot ni Mang Dalmacio na iniabot ang lampa sa katutubo.
Dahil lumaking mahilig sa pamamalakaya na ginagawa sa gabing pusikit ang dilim, mabilis nakasunod si Mang Dalmacio sa katutubong Kabihug. Nang makarating sa pakay na sapa, hindi na nagtanong si Mang Dalmacio sa kasamang katutubong tahakin nila ang munting sapang dumaloy sa sinadyang daluyang tubig-tabang. Alam niya ang munting sapa ngunit hindi niya pinupuntahan kapag namamalakaya dahil ang sapang Matanlang ang tinatalunton niya sa paniniwalang dito makakahuli ng maraming isda at hipon. Matapos ang ilang minutong paglalakad sa pagtalunton sa munting sapa, tumigil si Sendoy at sumenyas sa pamamagitan ng kamay na dumating na sila sa lugar napakay.
“Sa bahaging ito ng munting sapa gihak ang hipon at isda, bihug,” wika ni Sendoy na ibinigay ang lampa kay Mang Dalmacio.
“Sige, iilawin ko,” sagot ni Mang Dalmacio na ibinigay ang buslo, sisidlan ng mahuhuling isda at hipon sa katutubo.
Gamit ang lampa na ginatungan ng kalburong gamit ng minero sa pagmimina at salapang, sinimulan ni Mang Dalmacio ang panghuhuli ng mga isda at hipon sa paraang pangingilaw. Hindi nagsinungaling ang katutubong Kabihug na si Sendoy. Hindi nahirapan si Mang Dalmacio na makita ang hipon sa tubig dahil kumikislap ang mata kapag tinatamaan ng ilaw mula sa lampa. Dahil sanay sa paggamit ng salapang, tuwina, natutuhog ang isda o hipong sinalapang ni Mang Dalmacio. At dahil kay Sendoy, naging mabilis ang pamamalakaya niya dahil pagangat ng salapang na tuhog ang hipon o isda, kukunin agad ng katutubo at ilalagay sa buslong tinatawag na “bayainan” sa barangay Bayanbayan. Tinatawag namang “bayain” ang mga taong tagabitbit ng buslong madalas ginagawa ng mga katutubong Kabihug mula sa baging na tinatawag na lukmoy.