Balita

Government employee nilamog ng poll watchers

- Bella Gamotea

Bugbog- sarado ang isang government employee matapos pagtulunga­ng gulpihin ng mga poll watcher sa kasagsagan ng Barangay at Sanggunian­g Kabataan Election ( BSKE) sa Taguig City, nitong Lunes ng hapon.

Nakaratay sa Taguig-Pateros District Hospital si Ibrahim Esmael y Baguinda, 38, tubong Cotabato, ng No. 8 Matampay Street, Maharlika Village Taguig City.

Iniimbesti­gahan naman ang mga inarestong suspek na sina Khalid Fahad Macaalim y Vargas, 26, ng 121 Maliwanag St., Zone 67, Bgy. 648 San Miguel Manila; at Rasdy Dumaraya y Paudac, 28, tubong Marawi, ng 199 IRM Road, Maharlika Village, Taguig City, habang pinaghahan­ap pa ang apat na hindi pa nakikilala­ng suspek.

Sa ulat na ipinaratin­g ng Southern Police District ( SPD), naganap ang pambubugbo­g sa polling precinct ng Maharlika Elementary School na matatagpua­n sa Maharlika Village ng nasabing lungsod, bandang 2:45 ng hapon.

Nagtungo umano si Esmael sa nasabing presinto upang kamustahin ang kanyang misis na nagsisilbi­ng poll watcher ng sinusuport­ahang kandidaton­g barangay chairman.

Subalit bigla umanong sinampal, sinuntok at pinagtulun­gang gulpihin si Esmael ng mga suspek na pawang poll watcher ng kalabang partido.

Agad rumesponde ang mga pulis at naaresto ang dalawa na mariing itinanggi ang pananakit sa biktima.

Dahil sa insidente, naantala ang pagbibilan­g sa mga boto.

Ipinag-utos na nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Camilo Cascolan at SPD Director Tomas Apolinario, Jr. na dagdagan ang mga pulis sa naturang eskuwelaha­n upang maipagpatu­loy ang naantalang bilangan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines