Balita

Suicide bombers, pami-pamilya na

-

SURABAYA (AFP) – Isang pamilya na may limang miyembro, kabilang ang isang bata, ang nagsagawa ng suicide bombing sa police headquarte­rs sa lungsod ng Surabaya sa Indonesia nitong Lunes, isang araw matapos ang serye ng pag-atake sa mga simbahan, na isinagawa naman ng isa pang pamilya.

Ang sunud-sunod na pambobomba sa Indonesia, na inako ng grupong Islamic State, ay nagtaas ng mga pangamba sa lumalakas na impluwensi­ya ng grupo sa Southeast Asia habang humihina na ang caliphate nito sa Middle East.

Ang pambobomba sa tatlong simbahan noong Linggo ng isang pamilya na may anim na miyembro – kabilang ang mga babae na nasa edad siyam at 12 – ay ikinamatay ng 18 katao sa Surabaya, kabilang ang bombers.

Nitong Lunes naman isang pamilya ang nagpasabog ng kanilang mga sarili sa isang police station sa lungsod na ikinasugat ng 10 katao. Dinala sa ospital ang batang babae na solong nakaligtas sa pag-atake, habang ang kanyang ina, ama at dalawang kapatid na lalaki ay pawang sumabog.

Ang mga bata ay dinala sa kanilang kamatayan nang walang kamalay-malay, ayon kay Ade Banani, ng research centre of police science and terrorism studies sa University of Indonesia.

Kung tradisyuna­l ang pamilya, ang ama ang may kapangyari­han ‘’so everyone has to obey’’, ayon kay Banani.

Ang ama ng suicide bombers sa mga simbahan ay isang lokal na lider ng extremist network na Jamaah Ansharut Daulah (JAD) na sumusuport­a sa IS. Ang pangalawng pamilya ay konektado rin sa JAD.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines