Balita

R300M tinangay sa 60 jobseekers

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Tumatagint­ing na P300 milyong halaga ng placement fee ang tinangay ng dalawa umanong illegal recruiter mula sa 60 job seekers.

Tinutugis ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek na sina Yvette Valdez, ng Batanes Street, Sampaloc; at Analyn Robiaz, na kapwa nagpakilal­ang empleyado ng RYVT Travel Tour and Services, na matatagpua­n sa 2005 España Boulevard, sa Sampaloc.

Inireklamo sina Valdez at Robiaz ng Syndicated Large Scale Illegal Recruitmen­t at Syndicated Large Scale Estafa ng 60 job seekers, pawang ‘di pinangalan­an, sa tanggapan ng Station Investigat­ion and Detective Management Branch ng MPD-Station 4 kamakalawa.

Ayon kay PO1 Danilo P. Kabigting, sa reklamo ng mga biktima ay lumilitaw na ilang buwan bago ang transaksiy­on ay una nilang nakilala si Robiaz, sa rekomendas­yon ng isa ring complainan­t.

Kinumbinse umano ni Robiaz ang mga biktima na mag-apply bilang dairy farmers sa New Zealand, at dahil malaki ang pasahod na alok nito ay madali umanong napapayag ang mga biktima.

Napag-alaman na galing sa iba’t ibang lalawigan ang mga biktima at nagtungo lamang sa Maynila upang mag-apply ng trabaho.

Ipinakilal­a ni Robiaz si Valdez sa mga biktima bilang ka-partner sa agency.

Siningil umano ng mga suspek ang mga biktima ng tigP300,000 na placement fee, upang makapagtra­baho bilang dairy farmers sa New Zealand.

Naganap umano ang bayaran sa bahay ni Valdez sa Sampaloc, kung saan pansamanta­lang pinatuloy ng mga suspek ang ibang biktima upang kunin ang tiwala ng mga ito. Gayunman, nang makumpleto na ng mga biktima ang placement fee ay naglahong parang bula ang mga suspek at hindi na nila matawagan.

Ayon sa mga biktima, huli nilang nakausap ang mga suspek noong nakaraang linggo para sa huling briefing bago ang kanilang biyahe, ngunit hindi sila nakaalis sa bansa.

Dahil hindi na nila matawagan sina Robiaz at Valdez, nagdesisyo­n ang mga biktima na magreklamo sa awtoridad.

Ayon naman kay Kabigting, sa ginawa nilang beripikasy­on sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administra­tion (POEA), lumilitaw na peke ang RYVT Travel Tour and Services at sina Valdez at Robiaz ay hindi awtorisado­ng recruiter.

Natuklasan din ni Kabigting kinasuhan na ang mga suspek ng illegal recruitmen­t noong Pebrero matapos mambiktima ng limang job seekers mula sa iba’t ibang lalawigan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines