Murder suspect sa Pasig, timbog sa CamSur

Balita - - Balita - Mary Ann Santiago

Isang tindero na itinuturong suspek sa pagpatay sa isang babae kamakailan sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City ang naaresto ng pulisya sa Camarines Sur, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Senior Supt. Orlando Yebra, Jr., hepe ng Pasig City Police, ang suspek na si Abner Querubin, 31, ng Bgy. Kilantaao, Sangay, Camarines Sur.

Ayon kay Yebra, inaresto ang suspek sa Bgy. May-Ogob, Ocampo, Camarines Sur, sa ganap na 6:30 ng umaga.

Una rito, inginuso si Querubin na responsable sa pananaksak at pagpatay sa kaalitang babae sa 565 Jabson Street, Bgy. Pinagbuhatan noong Mayo 19.

Nagtago ang suspek, ngunit may nakapagsabi sa awtoridad na umuwi ito sa kanilang lalawigan.

Agad sumalakay ang mga tauhan ng Pasig City Police at dinampot ang suspek.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.