BONGGO

Balita - - Libangan - NI BOBBY V. VILLAGRACIA

Ika-16 na labas

DAHIL

naglilihi si Erlinda, anak nina Mang Dalmacio at Aling Bening na may sakit sa pag-iisip, napilitang magluto si Aling Bening ng tsamporadong hiling ng anak na kainin sa almusal. Hindi pa rin malinaw kung sino ang ama ng dinadala ng anak, ngunit may hinala silang bonggo ang gumahasa kay Erlinda, isa nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan.

“Inay, matagal pa bang maluto ang tsamporado?” Tanong ni Erlinda habang nasa tabi ni Aling Bening at nanunuod sa pagluluto.

“Sandali na lang anak,”sagot ni Aling Bening. “Kapag nailagay ko na ang tsokolate at nahalo, madali na itong maluto!”

“Dalian n’yo, inay,”wika ni Erlinda. “Kain na kain na ako at naglalaway sa tsamporado. Ewan ko ba kung bakit gustong-gusto kong kumain ng ganitong pagkain ngayong umaga!”

“Hindi lang ‘yan ang nakakapagtakang pangyayari sa iyo, anak,” sagot ni Aling Bening. “May isa pang mahiwagang pangyayaring labis kong pinagtatakhan!”

“Ano po ‘yun, inay?” Tanong ni Erlinda.

“Ang pagsusuka mo kanina,” sagot ni Aling Bening. “Ngunit ng manghingi ka ng tsamporadong dati, hindi mo naman kinakain alam ko na ang dahilan!”

“Ano pong dahilan, inay?” Tanong uli ni Erlinda.

“Buntis ka, anak,” sagot ni Aling Bening. “Nabuntis ka ng lalaking sinasabi mong bisita sa paglalaro ninyo ng bahay-bahayan!”

“Inay, ibig mong sabihin, lalaki ang tiyan ko dahil magkakaroon doon ng anak?” Inosenteng tanong ni Erlinda.

“Oo, anak,” sagot ni Aling Bening. “Kaya kung kilala mo ang lalaking bumibisita sa iyo at dinadala ka sa damuhan para maglaro ng bahaybahayan, sabihin mo sa akin!”

At tulad ng maraming pagkakataong nagtanong si Aling Bening sa anak, direkta at walang gatol nitong sinabi na hindi niya kilala. Damang-dama niyang nagsasabi ng totoo ang anak.

Dahil sa pagnanais niyang makilala ang lalaking bumibisita sa anak, tinanong niya si Erlinda kung ano ang hitsura at anyo ng mahiwagang panauhin. At tulad ng unang tanong, direkta at walang gatol na isinalarawan ng dalaga ang hitsura at anyo ng lalaking bumibisita sa kanya. Kinilabutan ng husto at nanindig ang balahibo ni Aling Bening dahil tumutugma ang paglalarawan ni Erlinda sa nilikhang bonggo na nakatira sa bung-aw hindi kalayuan sa kanilang bahay.

“Anak, maitim na maitim ang balat ng lalaking bumibisita sa iyo at nakakalaro mo ng bahay-bahayan?” Tanong ni Aling Bening sa anak sa pagnanais matiyak ang katotohanan.

“Opo, inay,” sagot ni Erlinda.

“Gaano kaitim ang kaniyang balat?” Tanong uli ni Aling Bening.

“Napakaitim po, inay,” sagot ni Erlinda. “Sa tingin ko kasingitim ng uling o mas maitim pa.”

“Gaano siya kalaki?” Tanong pa ni Aling Bening. “At sabihin mo rin kung gaano siya kataas?”

“Kasingtaas po siya at kasinglaki ni itay,” sagot ni Erlinda. “Ngunit kakaiba ang katawan niya dahil napakatigas na parang batong buhay at napakalakas niya!”

Muli, natigagal si Aling Bening sa pagsasalarawan ng anak sa lalaking bumibisita kapag gabi. Payak lang ang dahilan sa naramdaman niya, natiyak niyang ang nilikhang bonggo ang bumibisita sa anak at ama ng ipinagbubuntis.

Batid din niya ang mga kuwentong umiikot sa Bayan-bayan at kalapit na barangay na may mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghang nagkakagusto sa dalagang maganda at seksi tulad ng anak nilang si Erlinda. At higit sa lahat, narinig niya ang iba’t-ibang kuwentong nagkaroon ng anak sa babaeng nagustuhan ang mga nilikha, katulad ng bonggo. Itutuloy...

R.V. VILLANUEVA

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.