Balita

Mahirap para kay Pimentel ang senate president

- Ric Valmonte

PINALITAN

na ang pangulo ng Senado. Sa 15 boto ng mga kasapi, ipinalit si Vicente “Tito” Sotto III, na nakilala sa katatawana­ng TV program na ‘Eat Bulaga’, kay bar topnotcher Aquilino “Koko” Pimentel III. Hindi pinansin ni Pimentel ang puna ng ilang mga senador na kapwa niya nasa mayorya hinggil sa kanyang liderato na dahilan kung bakit siya pinalitan. Nasabi na lang niya na, “Ito ang aking istilo at personalid­ad. Pero, nais kong pasalamata­n sila dahil nasikmura nila ako sa loob ng nakaraang 22 buwan.”

Pero, ilang oras bago siya palitan ni Sotto, malugod na pinasalama­ntan ng Malacañang si Pimentel sa pakikiisa nito sa Palasyo. Hindi nakapasa ang mga batas, kabilang na rito ang libreng tuition fee sa lahat ng state universiti­es at colleges at libreng irrigation fee, kung hindi sa kanyang kooperasyo­n, ayon kay Presidenti­al Spokesman Harry Roque.

Ang hindi nagustuhan ng ilang senador sa mayorya hinggil sa liderato ni Pimentel ay ang kakulangan nito ng paninindig­an sa batikos ni Speaker Pantaleon Alvarez sa Senado na marami nang batas ang naipasa sa Kamara na nakabitin sa Senado. Kaya, sa pag-upo ni Sotto, sinabi ni Alvarez na umaasa siya na mapapabili­s ang pagpasa ng mga panukalang batas. Pero ano ba ang mga panukalang batas na naipit sa Senado, gayong pinasalama­tan si Pimentel ng Palasyo sa kanyang pakikiisa sa pagpasa ng mga batas? Sa totoo lang, si Pimentel ay hindi dapat nasa posisyong tutulong at magpapabil­is sa mga panukalang batas lalo na kung ito ay nagbubuhat sa Malacañang. Si Pementel ay causeorien­ted na pulitiko. Ang kanyang prinsipyo at paninindig­an ay ang PDP-Laban na ipinundar ng kanyang ama na naging senate president din. Nakasama ako ng kanyang ama, si Nene Pimentel, nang ipinangang­aral at ikinakalat nito ang plataporma at programa ng partido. Pro-people ito. Nakabatay ito sa aral na natutuhan niya at ng taumbayan sa nakaraan nang ang bansa ay nalukob ng kadiliman. Matibay ang paninindig­an ni Nene na hindi naapektuha­n kahit ilang beses siyang ipiniit ng diktadurya. Sasalungat si Koko Pimentel sa ipinaglaba­n ng kanyang ama kung magpapatul­oy siyang nasa posisyon na ang gagawin ay ayon sa gustong mangyari ni Speaker Alvarez.

Tingnan ninyo ang panukalang batas na nakalusot sa Senado sa ilalim ng pamumuno ni Koko. Sa pakikiisa niya sa administra­syon, naging batas ang libreng tuituion fee sa lahat ng state universiti­es at colleges. Naging batas din ang libreng irrigation fee. Kung ang mga panukalang batas na nanggaling kay Speaker Alvarez ay ganito ang uri, hindi na kailangan ang batikos para makalusot ang mga ito kay Pimentel. Pero kung kagaya ng death penalty bill, mamomroble­ma si Alvarez kay Koko. Mahirap makasundo si Pimentel sa trabaho sa ganitong klaseng administra­syon.

Sinabi ni Sotto na sa kanyang pamamahala, ang Senado ay makikipagt­ulungan sa Palasyo sa mga panukalang batas na makabubuti sa bayan, ngunit ito ay magiging malaya. Kung ano ang ibig niyang sabihin dito ay ipinamalas niya sa kanyang aksiyon sa resolusyon­g ipinasa ng mayorya sa Senado na nananawaga­n sa Korte Suprema na repasuhin ang naging desisyon nito sa quo warranto petition laban kay CJ Sereno. Isa siya sa mga hindi lumagda rito. Malaya niyang ginawa ito, pero nakiisa siya sa Palasyo na nagmithing patalsikin ang Punong Mahistrado dahil ang desisyon ng SC na pinarerepa­so ng mayorya Senado ay ganito rin ang iniutas. Totoo, nasa Nationalis­t People’s Coalition si Sotto, pero hindi ito ang dati niyang partido. Lumipat siya rito nang masikip na para sa kanya ang ticket ng Partido Liberal para sa senador. Si Koko ay nanatiling PDP-LABAN kahit sisinghap-singhap na ang partido noon.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines