Balita

Road rage: Negosyante tinepok ng parak

- Nina MARY ANN SANTIAGO at FER TABOY

Patay ang isang negosyante habang sugatan ang lalaking kasama nito nang makatalo sa trapiko ang isang bagitong pulis sa Barangay Marikina Heights, Marikina City, nitong Miyerkules ng gabi.

Isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center sina Esteban Bunga, 35; at Arnold Eayam, 24, kapwa taga-Apayao, ng La Milagrosa Compound, Bgy. Marikina Heights.

Gayunman, nasawi si Bunga dahil sa pitong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tinamaan naman ng bala si Eayam sa bukung-bukong.

Matapos ang insidente, agad namang sumuko sa Marikina City Police Community Precinct (PCP)-Station 9 si PO1 Egardo Villamil, Jr., 24, nakatalaga sa PCP- Station 5 ng Pasig City Police station at taga-61 Tanguile St., Marikina Heights.

Ipinag-utos na rin ni Chief Supt. Reynaldo Biay, director ng Eastern Police District (EPD), ang pagsibak sa puwesto kay Villamil at pinakukump­iska rin ang service firearm nito na pinaniniwa­laang ginamit sa krimen.

Ayon kay Senior Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina City Police, naganap ang road rage sa Tanguile, kanto ng Apitong Street, dakong 8:45 ng gabi.

Sakay umano ang mga biktima, kasama ang walong kamag-anak, sa gray na Toyota Avanza ( YQ- 4877) at pauwi sana sa Apayao nang paluin ni Villamil, sakay sa bisikleta, ang side mirror ng kanilang sasakyan.

Pinagmumur­a pa umano ni Villamil si Bunga na siyang nagmamaneh­o ng nasabing kotse.

Bumaba si Bunga sa sasakyan at kinumpront­a ang suspek ngunit bigla umanong nanuntok ang pulis at ang dalawa pa nitong kasama kaya napilitang bumaba sa sasakyan ang mga kasama ng biktima upang umawat.

Lingid sa mga biktima, umuwi si Villamil at bumalik na armado ng baril at pinaputuka­n ang mga biktima.

Nakapiit ang suspek sa Marikina City Police Station at nakatakdan­g sampahan ng kasong kriminal at administra­tibo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines