Balita

Stags, nanuyod sa Flying V

- Marivic Awitan

PATULOY na binuhay ng San Sebastian College ang tsansang umabot ng quarterfin­als matapos maungusan ang powerhouse Adamson, 89-84 nitong Biyernes sa 12th Filoil Flying V Pre Season Cup sa San Juan City.

Sumandig ang Stags kina Allyn Bulanadi at Michael Calisaan upang isalba ang halos gahibla nilang tsansa.

Nagposte si Bulanadi ng 25 puntos bukod sa limang assists at limang rebounds, habang si Calisaan ang nagbuslo ng mga krusyal na baskets para sa San Sebastian.

Si Calisaan ang umiskor ng apat na huling puntos ng laban kabilang ang floater na sumelyo sa panalo, may nalalabi na lamang 23.5 segundo sa laban. Tumapos si Calisaan na may double-double 15- puntos at 14rebounds.

“Ang ganda ng nilalaro ng mga bata. The second group also steppedup, nakita naman natin na masyadong maganda ‘yung laro talaga nila,” wika ni Stags coach Egay Macaraya,

Dahil sa panalo, umangat ang San Sebastian sa markang 4-3 kasalo ng Letran sa ika-4 na puwesto sa Group B.

Nanguna naman sa Falcons, bumaba sa ikatlong posisyon hawak ang barahang 5-2, si Sean Manganti na tumapos na may 27 puntos.

Nauna rito, nakamit ng Ateneo ang ikawalong sunod na panalo na nagpatibay ng kapit nila sa pamumuno sa Group A makaraang ilampaso ang Mapua University, 99-55.

Ang kabiguan ang ika-apat ng Cardinals matapos ang pitong laban.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines