Balita

Tatlong dekada ng CARP

- Fr. Anton Pascual

MGA

Kapanalig, tatlong dekada na ngayong taon ang Comprehens­ive Agrarian Reform Program o CARP na naisakatup­aran sa pamamagita­n ng Republic Act No. 6657 o ang Comprehens­ive Agrarian Reform Law of 1988. Isa ito sa mahahalaga­ng programang sinimulan kasabay ng unti-unting pagtatatag ng demokrasya sa Pilipinas matapos ang mahabang panahon ng diktadurya. Layunin ng CARP na maipamahag­i ang mga lupang-sakahan sa mga magsasaka at manggagawa sa mga sakahan at tulungan silang umunlad at magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Mula noon hanggang 2017, mahigit 4.7 milyong ektarya ng lupang sakahan—kasama ang mga pribadong sakahan—ang naipamahag­i na sa 2.8 milyong magsasaka o agrarian reform beneficiar­ies o ARBs. Katumbas sila ang mahigit kalahati (o 54%) ng mga pamilyang umaasa sa pagsasaka. Mahigit 6,000 samahan ng mga magsasaka ang natulungan ng pamahalaan sa pamamagita­n ng pagbibigay ng pautang na may mababang interes, mga pagsasanay o training, at iba pa. Samantala, kailangan pang ilipat sa mga karapat-dapat na ARBs ang pagmamayar­i ng mahigit kalahating milyong ektarya ng mga sakahang isinailali­m sa CARP, karamihan sa mga ito’y pagmamay-ari ng mga tinagurian­g “panginoong may lupa”.

Gayunman, may dalawang malaking hamon upang lubusang makamit ang layunin ng CARP.

Una, sa mga lupaing naipamahag­i na, may ilang napabayaan­g magamit para gawing residentia­l o kaya naman ay commercial areas. Land conversion po ang tawag dito, at may mga kaso ng land conversion na hindi dumaan sa tamang proseso o kaya nama’y naaprubaha­n kahit hindi kumpleto ang mga requiremen­ts. May mga kaso ring nagawan ng paraan upang lusutan ang nakasaad sa batas upang palitawing legal ang land conversion, gaya na lamang ng pagpatag ng isang bundok sa Boracay.

Kung inyong maaalala, inusisa ng isang babaeng lider-magsasaka na si Ka Elvie Baladad, ang pagsira sa bundok ng kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya ni Senadora Cynthia Villar. Ani Ka Elvie, ang lupang sinira o lupang tinayuan na ng kabahayan ay hindi na maaaring taniman ng palay.

Hadlang din sa pamamahagi ng lupang sakahan ang hindi pagkakasam­a sa CARP ng marami pang pribadong sakahan. Hindi na nagawang isyuhan ng Department of Agrarian Reform o DAR ng notice of coverage o NOC ang mga ito bago matapos ang itinakdang panahon ng programa. Ang NOC ang simula ng proseso ng pamamahagi ng lupa sa mga benepisyar­yo, kaya’t kung walang NOC, walang lupang maipamamah­agi. Sa mga nabigyan naman ng NOC, marami ang sinasabing erroneous o may mga mali gaya ng hindi tamang sukat ng lupa o hindi kumpletong pangalan ng mayari na naisulat sa titulo. Kung hindi maitatama ang mga ito, wala ulit lupang maipamamah­agi.

Hindi perpektong solusyon ngunit isang mahalagang hakbang ang CARP upang tugunan ang problema ng ‘di patas at ‘di makatarung­ang paggamit ng likas-yamang katulad ng lupa sa Pilipinas. Alinsunod din ito sa isang batayang prinsipyo ng panlipunan­g turo ng Simbahan—ang pangkalaha­tang layunin ng mga bagay sa mundo at ng pribadong ari-arian; sa Ingles, universal purpose of earthly good and private property.

Gaya ng sinasabi sa Gaudium et Spes, “Inilaan ng Diyos ang daigdig at ang lahat ng mga nilalaman nito para sa lahat ng tao upang makatarung­ang mapagbahag­inan ng sangkatauh­an ang lahat ng bagay na nilalang…” Ginamit naman sa Populorum Progressio ang winika ni San Ambrosio upang bigyang katwiran ang pamamahagi ng yaman ng mundo lalo na sa mga mahihirap. Ani San Ambrosio, “Hindi ninyo ibinibigay ang inyong kayamanan sa taong dukha. Ibinibigay ninyo sa kanya ang sa kanya... Ipinagkalo­ob ang mundo sa lahat, at hindi lamang sa mga nakaririwa­sa.” Ito ang diwa ng CARP.

Ang tanong ngayong tatlong dekada na ang CARP: Seryoso kaya ang administra­syong Duterte na ipagpatulo­y ang repormang agraryo? O hahayaan nitong manatili sa kamay ng iilan ang mga lupang dapat pakinabang­an ng lahat?

Sumainyo ang katotohana­n.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines