Ika-40 labas
BUO
na nga ang loob ng dalawang matandang magkaibigan, na sina Tandang Goring at Egle, na patayin ang sanggol sa sinapupunan ni Erlinda na pinaniniwalaan nilang anak ng nilikhang bonggo.
“Hindi kaya sunugin ang kaluluwa ko sa impiyerno sa gagawin ko, Goring?” Tanong ni Tandang Egle. “Papatayin ko ang isang inosente at walang muwang na buhay sa sinapupunan ng ina!”
“Hindi, Egle,” mabilis at walang gatol na sagot ni Tandang Goring. “Dahil hindi inosente at walang muwangang sanggol na hindi mo pahihintulutang isilang sa mundo!”
“Ano bang tingin mo sa sanggol na ipapanganak ni Klaret?” Tanong uli ni Tandang Egle sa kababata at matalik na kaibigan.
“Halimaw at salot na magkakalat ng lagim, takot at sindak sa ating barangay sa paglaki dahil nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan ang ama,” paliwanag ni Tandang Goring.
“Tama ka, Goring,” sagot ni Tandang Egle.
“Kaya gawin mo sa lalong madaling panahon ang pinakamabisang gamot para maagas ang sanggol sa sinapupunan ni Klaret, hindi dapat isilang ang kanyang anak,” paliwanag ni Tandang Goring.
“Titiyakin kong maaagas ang sanggol sa tiyan ni Klaret, Goring,” sagot ni Tandang Egle. “Pinakamabagsik na pampaagas ang gagawin ko sa bagin, damo at kahoy mula sa bulas at gubat!”
“Hindi ka mag-iisang kukuha ng mga sangkap sa mabagsik na pampaagas, sasama ako,” wika ni Tandang Goring.
“Kailan tayo kukuha, Goring?” Tanong ni Tandang Egle.
“Ngayon na, Egle,” sagot ni Tandang Goring. “Hindi dapat nating palakihin pa kahit kaunti ang sanggol sa tiyan ni Klaret!”
Mabilis na sinang-ayunan ni Tandang Egle ang sinabi ng kababata at matalik na kaibigan kaya kaagad kumuha ng lapis at papel para ilista ang bagin, damo at kahoy na sangkap sa paggawa ng gamut.
Dahil matanda na at humina ang utak sa pag-aalala ni Tandang Egle, makailangg beses niyang binasa ang listahan ng sangkap na bagin, kahoy at damo para matiyak na walang nakaligtaan. Matapos tiyaking kumpleto ang mga sangkap na inilista sa papel, nagbihis siya at kinuha ang itak na may kaluban na gagamitin niya sa pagkuha ng bagin, damo at kahoy na sangkap sa gagawing kakaibang gamot.
Magkasunod na umalis sina Tandang Egle at Tandang Goring papunta sa kahuyan.
“Uuunahin nating puntahan ang bulas at gubat sa gilid ng sapa ng Minalolong Malaki,” wika ni Tandang Egle.
“Bakit doon?” Tanong ni Tandang Goring.
“Saganang tumutubo sa lugar na ‘ yun ang bagin, kahoy at damong sangkap sa gamut,” sagot ni Tandang Egle. “Kung wala tayong makuha doon, sa sapa ng Kalantubig!”
“Tama ang balak mo, Egle,” wika ni Tandang Goring. “Doon tayo pumunta noong agasin ng pamangkin kong taga-Metro Manila ang anak niya dahil tinakbuhan ng kasintahan!”
“Kaya lang sa bulas at gubat ng sapa ng Kalantubig kumukuha ng bagin, kahoy at damo ang albularya sa kabilang barangay kaya halos ubos na rin doon,” sagot ni Tandang Egle.
Habang nag-uusap, tuloy sa paglalakad ang magkababata at matalik na magkaibigan papunta sa sapang Minalolong Malaki para kumuha ng bagin, kahoy at damong sangkap sa gagawing gamot na pampaagas ni Tandang Egle.
Dahil maliwanag ang lahat ng sulok ng pupuntahang lugar, hindi nakadama ang magkababata ng takot sa mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghang pinaniniwalang gumagala sa lugar na pupuntahan sa pagkalat ng dilim. Nang marating ang kahuyan sa sapang dumadaloy ang malinis, malinaw at malakristal na tubig, saglit na nagpahinga ang dalawa sa pampang ng daluyang tubig-tabang. Matapos manumbalik ang lakas at resistensya, nagpatuloy na sila sa paglalakad. Itutuloy...