Balita

Hepe napatay sa buy-bust

- Liezle Basa Iñigo

Dead on arrival sa ospital ang isang hepe ng pulisya sa isang bayan ng Isabela makaraang barilin ng hinihinala­ng miyembro ng drug syndicate, sa buybust operation sa Mallig, Isabela, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Supt. Ronald Laggui, hepe ng Provincial Investigat­ion and Detection Management Branch (PIDMB), ang napatay na si Senior Insp. Michael Angelo Tubaña, 31, hepe ng Mallig Police sa lalawigan, at taga-Barangay Vira, Roxas, Isabela.

Isang tama ng bala ang tinamo ng hepe, na naging sanhi ng pagkasawi nito.

Natukoy sa report, nagkasa ng anti-illegal drugs operation ang grupo ni Tubaña, kasama si PO3 Edwin Gubal at dalawang confidenti­al asset, laban sa sindikato ng droga sa lugar, sa national highway sa Bgy. Centro 1, Mallig, dakong 10:15 ng gabi.

Nang dumating na sila sa lugar, nabigla ang grupo ng hepe nang paputukan sila ng suspek, na pakay ng kanilang operasyon.

Nang makitang tinamaan ang hepe, kaagad na tumakas ang suspek sakay ng isang motorsiklo.

Matapos ang 12 oras, nadakip din ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligen­ce Branch, Isabela Provincial Police Office (PRO), Regional Intelligen­ce Division-PRO2, Criminal Investigat­ion and Detection Group 2 at Mallig Police ang mga suspek na sina Warren Bulawit, 19, tricycle driver, ng Bgy. Nambaran, Tabuk City, Kalinga; at isang menor de edad na positibong tinukoy ng testigo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines