Balita

Drug test sa 292 solons, iginiit

- Ni CHARISSA LUCI-ATIENZA

Umaasa ang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na pagtitibay­in ng liderato ng Kamara ang polisiya na magsasaila­lim sa lahat ng 292 kongresist­a sa mandatory drug testing, kahit pa una nang idineklara ng Korte Suprema na labag ito sa batas.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, panahon nang pagtibayin ng Mababang Kapulungan ang nasabing polisiya makaraang ilang kongresist­a ang sinasabing kabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kung ito (mandatory drug test) ay magiging isang polisiya ng leadership ng House lalong mas mabuti na kaming lahat ay magpasaila­lim sa isang drug test,” sinabi ni Barbers sa isang panayam sa radyo.

Aniya, bago pa magbukas ang 17th Congress noong Hulyo 2016 ay boluntaryo na siyang sumailalim sa drug test upang patunayan sa kanyang mga constituen­ts na seryoso siya sa laban niya kontra ilegal na droga.

Sinabi ni Barbers na dapat na magpa-drug test ang lahat ng halal na opisyal sa bansa.

“Sa aking palagay, sama mo na d’yan mga congressme­n, mga senador, mga governor, mayor. Lahat ng elected officials, sa aking paniwala, ay kailangang ipasailali­m sa drug test, noh. At ipakita o i-announce sa publiko ang resulta ng drug test na ito,” ani Barbers.

Taong 2008 nang ideklara ng Kataas-taasang Hukuman na ilegal ang Section 36 (g) ng Comprehens­ive Dangerous Drugs Act (RA 9165) na nag-oobliga sa mga kandidato sa national at local elective post at sa mga nahaharap sa mga kasong kriminal na may parusang mahigit anim na taong pagkakabil­anggo na sumailalim sa drug testing.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines