Produksiyon ng kawayan, pinalalakas
ISINUSULONG
ni Senador Cynthia A. Villar ang mas mataas na produksiyon at mas malawakang paggamit ng kawayan sa Pilipinas, at ginawa niyang halimbawa ang China.
Ayon kay Villar, na dumalo sa Global Bamboo at Rattan Congress 2018 sa Beijing, China noong Hunyo 25-27, ang bamboo industry sa bansa ang susi upang maiangat ang mga magsasaka mula sa kahirapan.
“The participants were taught not only the good part of growing bamboo, but with value processing to provide higher income to our farmers,” sabi ni Villar sa mga mamamahayag sa press briefing sa Tacloban Airport complex, nitong Biyernes.
Napag-alaman ng senador na sa ilang lugar sa China, ang isang magsasaka na mayroong isang ektaryang plantasyon ng kawayan ay kumikita ng USD 30,000 o tinatayang P1.5 milyon kada taon.
“The China experience tells us that there’s a bright future in planting bamboos. We can learn a lot from them. We can send our students there to learn bamboo-planting and production technologies. Their technology is way advanced with 60 percent of (the) world’s trade in bamboo is from China,” dagdag pa niya.
Sa China, ginagamit ang kawayan bilang sa construction materials, drainage pipes, at water pipes.
Sa Pilipinas, naobserbahan umano ni Villar na ang paggamit ng kawayan ay limitado lamang sa dekorasyon sa bahay at mga kasangkapan.
Handa umano ang Chinese government na pondohan ang konstruksiyon ng bamboo processing plant sa bansa, ngunit ito ay depende sa dami ng raw materials, aniya.
Ayon sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARD) ang bansa ay mayroong 39,200 hanggang 52,700 ektarya ng plantasyon ng kawayan, at ito nahati-hati sa: 58 porsyento sa kagubatan; 5% sa plantasyon ng gobyerno; 7% sa mga pribadong plantasyon; at 30% ang matatagpuan sa mga pribadong lupa.
Mainam din, ani Villar, ang pagtubo ng kawayan sa bansa dahil sa tropical na panahon dito, ngunit kailangan umano ng mga Pilipino na mapagtanto ang kahalagahan ng kawayan sa ekonomiya.
Ang kawayan ay kabilang sa pamilya ng mga damo, isa itong Gramineae o Poaceae. Sa 62 bamboo species na tumutubo sa Pilipinas sa kasalukuyan, 21 lamang ang native Philippine bamboos, ayon sa PCAARD.
Si Villar, agriculture at food committee chairperson sa Senado, ay nasa Tacloban para dumalo sa Sangyaw Parade of Lights na gaganapin sa bisperas ng fiesta ng Tacloban, upang bigyang parangal si Sr. Sto. Niño de Tacloban.