App ng Pinoy sa Dubai, tinapatan ang Facebook
MUKHANG
may nabuong pantapat sa social media networking site na Facebook ang isang Pilipinong programmer at entrepreneur sa Dubai, at ito ay ang nabuo niyang Picstagram site.
Ayon kay Louie Romero, tubong Maynila, hango ang nabuong app sa salitang picture at telegram na ayon sa kanya ay simpleng sistema ng pagpapadala ng customized pictures, tulad ng messaging app na Telegram.
Kuwento niya, binuo niya ang Picstagram dahil sa hilig ng mga Pinoy sa social media, at naisip niyang puwede itong pagkakitaan.
“Para po ang mga Filipino na mahilig mag-social networking, na puwede silang maglaro ng games and they can earn from a social network,” sinabi ni Romero sa isang panayam.
Sa Picstagram ay maaari umanong maglaro ang user ng unlimited games at makipagkumpetensiya sa ibang tao, gayundin ang makipag-socialize online. Pero ang pinakamahalaga sa lahat, maaaring kumita ng pera ang user sa pamamagitan ng referral links at advertising.
Taong 2016 nang inilunsad ni Romero ang programa sa Dubai, sa tulong ng mga investment ng mga Pinoy sa lungsod, na karamihan ay mga kasambahay at mga simpleng empleyado na malaki ang tiwala na lalaki ang Picstagram tulad ng Facebook.
Binanggit din ni Romero na ang share ng mga kasambahay ay nasa dalawang daang dirham (P3,000).
Ang dapat namang asikasuhin ni Romero ay ang maintaining balance para maipagpatuloy ang serbisyo ng app at makaengganyo pa ng ibang user.
Pinayuhan naman niya ang mga kapwa Pinoy na nais maging entrepreneur na maniwala sa sarili, at maglaan ng oras para maging posible ang mga pangarap.
Halos pareho ang features ng Picstagram at Facebook.