Balita

4 dedo, 14 sugatan sa karambola

- Freddie C. Velez

SAN RAFAEL, Bulacan – Nalagutan ng hininga ang apat na pasahero ng L300 van, kabilang ang dalawang taong gulang na babae, nang salpukin ang isang nakaparada­ng truck at bumangga sa isa pang van sa Barangay San Roque sa bayang ito, nitong Sabado.

Ayon kay Senior Supt. Chito G. Bersaluna, acting Bulacan police director, kabilang sa mga sasakyan na sangkot sa karambola ay ang Isuzu truck (TMT-766), na minamaneho ni Fernando Velasco, Jr., ng Aritao, Nueva Ecija; isang L300 ( ATA8702), na minamaneho ni Danny Magdayao, ng Bgy. Calumpang, San Miguel, Bulacan; at isang L300 (TGI- 294), na minamaneho ni Emiliano Mendoza, Jr.

Sa inisyal na imbestigas­yon, binabaybay ng dalawang L300 vans ang southbound lane ng nasabing kalsada nang salpukin ng isa sa mga ito ang nakaparada­ng truck at tuluyang bumangga sa sasakyang nasa harapan.

Kinilala ang mga namatay na sina Ilang-Ilang Mendoza, 50; Cathlyn May Mendoza, 30; Asea Cruz, 2; at Gyver Cruz, 30, pawang taga-Cavite.

Isinugod sa ACE Allied Care Experts Medical Center sa Baliwag ang walo sa mga sugatan na sina Emiliano Mendoza, 51; at ang driver ng isa sa mga sasakyang sangkot sa karambola; Arnaldo Mendoza, 83; Feliza Gaboy, 38; Danica Gaboy, 17; at Syrone Mendoza, 21, pawang ng Cavite; Jomar Suprago, 26; Vohance Eunice Yucoquiat, 4; at Heinzwin Lagamon, 16, pawang ng San Miguel, Bulacan.

Isinugod naman sa Galvez Medical Center sa San Ildefonso ang mga sugatan na sina Erica Joy Gaboy, 18; Hayley Gerrzamon Quinto, 3; Kariza Guinto, 25; Patricia May Gaboy, 18; at Angelica Cruz, 11, pawang taga-Cavite. Isinugod naman si Magdayao sa Rugay General Hospital sa Baliwag.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines