Makulay na palabas, hatid ng host Perpetual
Mga laro sa Sabado (Mall of Asia Arena) 12 noon – Opening Ceremony 2 p.m. – SBU vs UPHSD (Men) 4 p.m. – LPU vs SSC-R (Men)
DAHIL sa naitalang record na 18-game sweep sa eliminations noong nakaraang season kasama ng defending champion San Beda University ang last year’s runnerup Lyceum of the Philippines bilang pangunahing mga paborito sa titulo ng NCAA Season 94 men’s basketball tournament na magbubukas sa Sabado sa MOA Arena sa Pasay City.
Kasunod ng dalawang koponan, hindi rin nakaligtas sa mapanuring pagmamatyag ng mga NCAA coaches ang magandang performance na ipinakita ng Letran at College of St. Benilde sa mga nakalipas na pre season tournaments kaya’t kailangan ding bantayan anila ang Knights at ang Blazers.
Bilang season host, nangako namang gagawin lahat ng University of Perpetual Help ang kanilang makakayanan upang makabalik ng Final Four round sa naganap na press launch kahapon sa MOA Arena.
Ibinaba naman ng nakaraang host San Sebastian, Mapua, Jose Rizal University, Arellano at Emilio Aguinaldo College ang kanilang tsansa dahil sa malaking pagbabagong naganap sa kanikanilang mga rosters sa taong ito.
Gaya ng nauna na nilang pahayag, nakatakdang gamitin ng liga ang hanay ng mga MPBL referees na nasa ilalim ni dating coach Bai Cristobal bilang commissioner sa taong ito.
Samantala, nakatakdang pangunahan ng Altas Perps Squad ang isang engrandeng palabas sa opening rites na sisimulan ng ika12 ng tanghali bago ang tampok na double header na iinog sa tema ng pagdiriwang ngayong taon na “UnParalled Heights in Sports Development”.