Balita

LEPTO SA 10 PANG BARANGAY

- Ni MARY ANN SANTIAGO

Nagdeklara na rin ng leptospiro­sis outbreak ang Department of Health (DoH) sa 10 pang barangay sa Metro Manila kahapon.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mula sa dating 18 barangay ay umabot na sa 28 ang may leptospiro­sis outbreak ngayon sa Metro Manila, matapos na madagdag ang 10 pang barangay sa mga apektado ng outbreak.

Kabilang, aniya, rito ang dalawang barangay sa Caloocan City, na nakapagtal­a ng mahigit tatlong kaso ng leptospiro­sis, kabilang ang Barangay 176.

“’Yung mga barangay na naapektuha­n ay nadagdagan pa. Mula 18, noong huli akong nagpahayag, ay nasa 28 na. Nadagdagan ng 10, at nadagdagan ng isang siyudad,” sinabi kahapon ni Duque sa panayam sa radyo.

Una nang nagdeklara ng leptospiro­sis ang DoH sa 18 barangay sa pitong lungsod sa Metro Manila, na kinabibila­ngan ng Quezon City, Taguig City, Pasig City, Parañaque City, Navotas City, Mandaluyon­g City, at Malabon City.

Sinabi pa ni Duque na kung bahain ang lugar ay tiyak na maraming tatamaan ng leptospiro­sis doon.

Ayon kay Duque, idinedekla­ra ang leptospiro­sis outbreak sa isang lugar kung ang mga naitalang kaso doon ay lampas na sa average na bilang ng mga kaso na naitala sa nakalipas na limang taon.

Muli ring hinikayat ng kalihim ang mga local government unit (LGU) na paigtingin ang kanilang pagsusumik­ap na masugpo ang leptospiro­sis, sa pamamagita­n ng pagpapatup­ad ng rodent control at flood control; pagsasaayo­s ng mga drainage upang maiwasan ang pagkakaroo­n ng stagnant water; at istriktong pagpapatup­ad ng pangongole­kta ng mga basura, na pinamamaha­yan ng daga.

Ang leptospiro­sis ay isang infectious disease na nakukuha mula sa Leptospira bacteria na mula sa ihi ng daga, at iba pang hayop.

Madalas na dinadapuan ng leptospiro­sis ang isang tao kung lumusong sa baha na kontaminad­o ng ihi ng daga, lalo na kung may sugat sa paa.

Maaari rin namang makuha ang naturang sakit kung malalagyan ng maruming tubig na may Leptospira bacteria ang mata at bibig.

Ilan sa sintomas ng sakit ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan, pamumula ng mata, paninilaw ng balat, pagkukulay tsaa ng ihi, pagkaunti ng ihi, ubo, pagtatae, at pagsusuka.

Babala pa ni Duque, hindi dapat na mag-self medicate kung may leptospiro­sis, dahil antibiotic­s ang makaluluna­s dito. Hindi rin, aniya, dapat na ipagsawala­ngbahala ang mga sintomas ng sakit dahil ang leptospiro­sis ay maaaring magdulot ng kidney failure, brain damage, massive internal bleeding, at kamatayan, kung hindi maaagapan at malulunasa­n.

Sa datos ng DoH, 58 na sa mahigit 454 kaso ng leptospiro­sis mula Enero 1 hanggang Hulyo 5, 2018 ang nasawi.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines